Hindi makapaniwalang nakatingin si Maximus kay Celeste, tiningnan din ni Maximus si Hannah at kahit na ilang oras niyang titigan ang dalawang babaeng kasama niya ngayon iisang mukha pa rin ang nakikita niya.
“You didn’t tell me that you have a twin Hannah,” anas ni Maximus, hilaw namang tumawa si Celeste. Palalabasin ba ng pamilya nila na kambal silang dalawa para pagtakpan ang ginawang pagkakamali ng kaniyang ama?
Kinakabahan naman na si Hannah dahil hindi pwedeng malaman ni Maximus na hindi talaga sila kambal. Pilit nang hinihila ni Hannah si Maximus na umalis pero masyadong matigas ang katawan ni Maximus.
“Huwag na lang natin siyang pansinin. Umalis na lang tayo,” saad ni Hannah pero gustong marinig ni Maximus ang sagot ni Hannah.
“Answer me Hannah, is she your twin?” tanong na naman ni Maximus. Pinagkrus naman ni Celeste ang mga kamay niya sa dibdib at naghihintay ng isasagot ni Hannah.
“She is pero itinakwil na siya ng pamilya namin. Matagal na siyang umalis ng bansa pero bumalik siya para manggulo ngayon.” hindi naman kontento si Maximus sa sagot ni Hannah dahil sinong mga magulang ang itatakwil ang isang anak?
“What is the reason?” tipid na tanong ni Maximus, hindi na alam ni Hannah kung ano pa bang ipapaliwanag niya habang si Celeste naman ay nagngitngitngit na ang mga ngipin niya sa inis. Paano nagagawa ni Hannah na magsinungaling?
Si Maximus ba ang nasa likod niya kaya nagagawa ng Celestial Elegance na magbayad ng milyon-milyon para lang sa designer? Siya rin ba ang dahilan kung bakit nabayaran ng Celestial Elegance ang mga utang nila sa bangko?
Bakit pa nga ba magtataka si Celeste kung nasa harapan niya na ang sagot sa mga tanong niya?
“Hindi ko rin alam ang eskastong dahilan Max dahil pinalayas na lang siya ni daddy sa bahay namin si Celeste. Hindi na ako nagtanong pa dahil natatakot din akong madamay sa galit ni daddy. Pwede bang huwag na lang natin siyang pag-usapan pa?” mukhang anghel kung magsalita si Hannah sa harap ni Maximus kaya napapangisi na lang si Celeste dahil para bang siya pa ang demonyita sa kanilang dalawa.
“Pwede bang patahimikin mo na lang kami Celeste? Bakit ka pa bumalik kung alam mong palalayasin ka lang din ni daddy? Let’s go, Max.” hinila na ni Hannah si Maximus at nakahinga naman siya ng maluwag nang hindi na nagtanong pa si Maximus at sumama na sa kaniya.
“Ikaw ang nagpabalik sa akin dito Hannah, nakalimutan mo na ba?” saad ni Celeste bago sila makalayo ni Maximus. Napahinto sa paglalakad si Hannah saka niya nilingon si Celeste dahil kahit kailan hindi niya pinauwi si Celeste.
“Hindi kita pinapabalik dito dahil hindi ko susuwayin ang utos ni daddy na ginawa mo bago ka palayasin. Huwag kang ilusyunada.” Ramdam na ni Celeste ang inis sa tinig ni Hannah pero pinipilit pa rin niyang kumalma at magmukhang anghel dahil kasama niya si Maximus.
“Binayaran niyo ako ng kalahating bilyon, remember?” anas pa ni Celeste kaya napapatingin na lang si Hannah kay Maximus. Bakit ba kasi naitaon pa na pinuntahan siya ni Maximus sa kompanya nila? Hindi niya napaghandaan ang pagbabalik ni Celeste kaya nangangapa siya kung paano niya ba ipapaliwanag ang lahat kay Maximus.
“Binayaran mo siya ng kalahating bilyon? For what Hannah?” tanong ni Maximus. Hindi maalis ni Maximus ang paningin niya kay Celeste sa hindi niya malaman na dahilan. Para bang may aura kay Celeste na naramdaman niya na dati na hindi niya naramdaman kay Hannah.
Mabilis namang umiling si Hannah.
“Hindi ko siya babayaran ng ganun kalaki para lang bumalik. Kung may binayaran man ako ng ganung halaga si Mia Moda lang.” sagot ni Hannah pero natigilan din siya ng may marealize siya saka niya tiningnan si Celeste.
Ngumisi naman si Celeste kay Hannah saka siya tumango para kompirmahin ang iniisip ni Hannah ngayon.
“No way,” iiling-iling na saad ni Hannah. “Tell me that you’re not Mia Moda.” Aniya, mas lalong kinabahan si Hannah nang ngumiti si Celeste. Hindi maaaring si Celeste at si Mia Moda na binayaran niya ng malaking halaga ay iisa.
Hindi siya makakapayag na siya ang dahilan kung bakit nakabalik ng Pilipinas si Celeste.
“Sa tingin mo ba talaga babalik ako sa bansang ito ng walang dahilan? Kung hindi lang ako inalok ng kalahating bilyon para lang maging designer hindi ako babalik but I’m sorry Hannah. Hindi naman ako bilyonaryo para tanggihan ang alok ng Celestial Elegance. Ikaw ang nagpabalik sa akin sa bansa kaya huwag mo akong sisihin kung bakit nandito ako ngayon sa harapan mo.” tila ba nang-aasar na saad ni Celeste na ikinailing ni Hannah.
Hindi maaari, iyun na lamang ang nasasabi niya sa isip niya dahil masaya na siya na walang paramdam sa kanila si Celeste tapos malalaman niyang siya ang dahilan kung bakit bumalik ang kapatid niya sa bansa?
Salubong naman ang mga kilay ni Maximus habang nakatingin kay Celeste. Hindi niya gusto ang aura ni Celeste dahil para bang napakaarogante nito at masama ang ugali. Malayong malayo kay Hannah na isang anghel sa paningin niya.
“Ikaw si Mia Moda?” hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Hannah. Paanong nangyaring ang sikat na si Mia Moda ay si Celeste? Muling umiling si Hannah. “Imposibleng ikaw si Mia Moda, dahil kahit kailan hindi nagpakilala si Mia Moda sa publiko.”
“Well, you’re right. Hindi naman talaga ako nagpakilala sa publiko pero sa tingin mo ba kapag nagpakilala ako sa publiko bilang si Celeste, babayaran niyo ba ako ng malaking halaga para lang maging designer niyo? Kilala kita Hannah, dahil mas pipiliin mong bumagsak kesa hayaan akong bumalik ng bansa.”
“Sayo na ang kalahating bilyon Celeste pero hindi ko na itutuloy ang kontrata.” Saad ni Hannah na ikinalingon ni Maximus.
“Ganun lang ba kadali sayo na bitiwan ang malaking pera dahil ayaw mo lang siyang makatrabaho? You used my money for her Hannah.” Sabat ni Maximus, napapataas na lang ng kilay si Celeste dahil hindi nga siya nagkakamali. Si Maximus ang nagbigay ng pera kay Hannah para mabayaran siya.
“Hindi naman sa ganun Max, ayaw ko lang kasi na lumala ang sakit ni Daddy kapag nalaman niyang bumalik ang suwail at kinasusuklaman niyang anak. Gusto ko lang na ilayo sa stress at galit si Daddy.” Malambing niyang saad, napakunot naman ng noo so Celeste.
Anong sakit ng kaniyang ama? Wala na siyang balita rito kaya hindi niya na alam kung anong kalagayan ng kaniyang ama.
“Nakapirma na ang both parties ng kontrata kaya sa ayaw at sa gusto mo magtatrabaho ako sa kompanya. Ayaw ko naman na gamitin mo itong dahilan laban sa akin. Ayaw kong maipapalabas na lang sa article na binayaran ako pero hindi ako tumupad sa usapan. I am just being a professional here Hannah, see you tomorrow.” Tinalikuran na ni Celeste si Hannah at si Maximus.
Gustong magdabog ni Hannah at magalit, gusto niya nang hilain ang mga buhok ni Celeste pero hindi niya magawa dahil kasama niya si Maximus. Pinigilan niya ang sarili niya kahit na gigil na gigil na siyang sabunutan si Celeste.
Nawala naman ang ngisi sa labi ni Celeste habang naglalakad siya palabas ng kompanya. Naikuyom niya na rin ang mga kamao niya. Gusto niyang sirain ang mukha ni Hannah pero hindi niya magawa dahil mukha niya ang nakikita niya kay Hannah.
Inis niyang hinampas ang manubela niya. Kanina pa siya nagtitimpi ng galit niya. Anong pumasok sa isip ni Hannah para magparetoke at gayahin ang mukha niya?! Anong dahilan niya para gawin yun? Alam ni Celeste na merong dahilan si Hannah kung bakit niya nagawang gayahin ang itsura niya.
Umuwi ng bahay si Celeste. Gusto niya sanang puntahan ang daddy niya sa bahay nila para sana makausap pero hindi niya na itinuloy dahil galit ang namumuo sa dibdib niya. Ayaw niya namang makapagbitiw siya ng masasakit na salita kapag galit siya.
“Are you okay?” tanong ni Sarah nang mapansin niyang hindi maganda ang itsura ni Celeste. Inis na itinapon ni Celeste ang bag niya sa sofa. “Hey! Limited edition ang bag mo tapos itatapon mo lang?” aniya saka niya pinulot ito dahil nalaglag sa sofa.
Hindi naman pinansin ni Celeste ang kaibigan niya at uminom na lang siya ng tubig.
“Ano bang problema mo? Anong nangyari sa pagpunta mo sa kompanya niyo? Nakita mo na ba ang witch mong kapatid?” sunod-sunod na tanong ni Sarah.
“That bitch! I can’t believe that she did that. Nagparetoke si Hannah,” inis niyang saad. Napakunot naman ng noo si Sarah saka siya nagtatakang nakatingin sa kaibigan niya.
“Ano naman sayo ngayon kung nagparetoke siya? Anong problema dun? May pera naman siya para gawin yun saka bakit mo pa yun pinoproblema kung ang ipinunta mo lang naman dito ay mabawi ang kompanya ng mommy mo?”
“You don’t understand. Wala naman talaga akong pakialam kung magparetoke si Hannah, kahit sino ang gayahin niyang mukha pero ang gayahin niya ang mukha ko? Sinong hindi magagalit sa ginawa niya?! Pinagmukha niya kaming kambal!”
“Wait what?” pinoproseso naman ni Sarah sa utak niya ang mga sinabi ni Celeste at napaawang na lang ang bibig niya ng marealize niya ang sinasabi ni Celeste. “Nagparetoke si Hannah at mukha mo ang ginaya?” pagkokompirma niya.
Hindi naman sumagot si Celeste dahil hinihilot niya ang sintido niya.
“Oh my God,” natutop na ni Sarah ang bibig niya. Para bang hindi rin siya makapaniwala na nagawa yun ni Hannah. Sa loob ng maraming taon, hindi nagsearch online si Celeste tungkol sa pamilya niya. Kailan pa nagparetoke si Hannah?
“Gusto kong alamin mo ang nangyari kay Hannah. Anong dahilan niya para magparetoke at kung kailan pa siya nagparetoke.” Utos ni Celeste na ikinatango naman ni Sarah.
“Paano niya yun nagawa? Pero bakit hinayaan ng daddy mo na mangyari ito? Ano ang sinabi ni Hannah na dahilan para payagan siya ng daddy mo?” hindi kaagad nakaimik si Celeste dahil hindi niya rin alam ang dahilan ng kaniyang ama para payagan si Hannah na gayahin ang mukha niya.
“Posibleng gusto niyang itago ang affair niya pero kahit na palabasin nilang kambal kami ni Hannah hindi pa rin nila maitatago ang buong katotohanan dahil magkaiba ang ina namin na nakarehistro sa birth certificate namin.” napatango naman si Sarah dahil hinding hindi nila mananakaw ang buong pagkatao ni Celeste.
“At isa pang nakakapagtaka, paanong nagkaroon ng relasyon si Hannah at si Mr. Lim?” dagdag niyang tanong.
“Si Mr. Lim ba ang sinabi mo? Ang nagmamay-ari ng isang engineering construction company? Ang sikat na sikat na batang presidente ng kompanya? Ang number 1 construction company sa Pilipinas at ibang bansa?” paninigurado ni Sarah. Tumango naman si Celeste. “No way, paanong nagkagusto si Mr. Lim kay Hannah? Posible bang nainlove na lang si Mr. Lim kay Hannah nang magparetoke siya?”
Umiling naman si Celeste dahil hindi niya alam. Ang kailangan nilang malaman ngayon ay kung kailan nagparetoke si Hannah at kung kailan sila nagkakilala ni Mr. Lim. Wala namang pakialam si Celeste kung sino ang makarelasyon ni Hannah pero ang gamitin ang mukha niya para lang mang-akit ng mayamang lalaki, ibang level na yun ng kabaliwan ni Hannah.
Samantala naman, inis na napapadyak sa sahig si Hannah nang matapos silang mag-usap ni Maximus.
“Bakit ba gusto pa niyang magstay si Celeste sa kompanya?! Siya ang nagbigay ng pera para kay Mia Moda pero ako pa rin ang CEO ng kompanya! Bakit ba kasi hindi ko muna inalam ang pagkatao ni Mia Moda dahil kung nalaman ko lang na siya at si Celeste ay iisa naghanap na lang sana ako ng ibang designer!” naiinis niyang wika sa loob ng office niya.
Palagi na lang siyang walang magawa sa tuwing si Maximus na ang nagdedesisyon para sa kaniya. Natatakot tuloy si Hannah na piliting ungkatin ni Maximus ang tungkol kay Celeste. Kung patuloy na makikita ni Maximus si Celeste, baka posibleng mahalata niya ang pagkakaiba nila ng totoong babaeng nakasama ni Maximus noong gabing yun.
“Nakakainis talaga! Bakit ba kasi bumalik pa siya?!” inis na namang sigaw ni Hannah. Okay na sila, masaya na siya at siya na ang kinaiinggitan ng mga kababaihan dahil siya ang girlfriend ni Maximus tapos sisirain lang yun ni Celeste?
Hindi siya makakapayag, hindi niya hahayaan na si Celeste ang magiging dahilan ng pagbagsak niya. Hinding hindi rin malalaman ni Maximus na si Celeste talaga ang totoong nakasama niya noong gabing yun.