Hindi pa rin nawawala ang inis ni Hannah hanggang sa makauwi siya. Nakita niya ang kaniyang ina na nakaupo sa sofa at nanunuod sa malaking TV nila.
“Is Dad here?” seryosong tanong ni Hannah sa kaniyang ina. Nilingon naman kaagad ni Elloise ang anak niya dahil naninibago siya sa tono ng tinig nito.
“He’s in a business meeting, why?” kuryoso nitong tanong. Naupo naman si Hannah saka niya pinatay ang TV para makausap niya ang kaniyang ina. Nagtataka namang nakatingin si Elloise sa anak niya at naghihintay sa sasabihin nito.
“What happened?” hindi niya na makapaghintay na tanong. Salubong pa rin ang mga kilay ni Hannah.
“She’s home,” tipid niyang sagot kaya napakunot na rin ng noo si Elloise, hindi niya alam kung ano ba ang sinasabi ng anak niya.
“Who? Can you just tell me what happened?” tila naiinis niya na ring saad dahil binibitin pa siya ng anak niya. Kinakabahan pa naman siya kapag seryoso na ang anak niya.
“Celeste is home, mom. Damn it! Alam mo kung ano pa ang nakakainis? Maximus saw her!” Hindi niya mapigilang magtaas ng boses dahil sagad na sagad sa buto ang inis niya.
“Wait, what? Ang kapatid mo, nandito na?” paninigurado ni Elloise, napapairap naman si Hannah dahil kailangan pa bang ulitin? Hindi naman sila malayo sa isa’t isa para mabingi ang kaniyang ina.
“Sino pa ba? Kung alam ko lang na siya at si Mia Moda ay iisa hindi ko na sana siya binayaran para maging designer ng kompanya! Alam kong sinasadya niya ang lahat, alam kong tinanggihan niya ang offer sa kaniya ng mga malalaking kompanya ng sa ganun kapag tayo ang nag-alok sa kaniya magkakaroon siya ng opportunity na makapasok sa kompanya at hindi imposibleng mabawi niya ang kompanya, mom!” naiinis niyang pagsusumbong. Maging si Elloise ay natataranta dahil sa anak niya.
“Ang akala ko ba ay gumawa ka na ng paraan para hindi siya makabalik ng bansa? Anong nangyari?”
“Nakalimutan ko ng gawin dahil ilang taon naman na ang lumipas. Nawala na rin siya sa isip ko dahil nasa kompanya at na kay Maximus ang atensyon ko. Hindi ko naman akalain na maiisipan pa niyang bumalik dito.” Bakas na bakas ang inis sa tinig niya na halos magbanggaan na ang mga ngipin niya.
“Tanga! Binalaan niya na tayo bago siya umalis kaya dapat una pa lang gumawa ka na ng paraan. Ngayon, anong gagawin mo kapag binawi niya sayo ang kompanya lalo na kapag nalaman ni Maximus na si Celeste talaga ang nakasama niya ng gabing yun? Mawawala sayo kahat at pareho tayong pupulutin sa basurahan!” naiinis na ring sigaw ni Elloise sa anak niya. Binatukan pa niya ito sa sobrang inis niya.
Masyado silang nakampante sa maraming taon dahil ni minsan hindi sila ginulo ni Celeste hindi lang nila akalain na babalik pa ito ng bansa. Napapadabog na lang si Hannah, hindi siya makakapayag na aagawin ni Celeste ang lahat ng meron siya.
“Mag-isip ka ng paraan kung paano mo mapapaalis ang babaeng yan sa kompanya ng daddy mo. Kilala mo si hannah, matalino siya sa lahat ng larangan at posibleng mahanapan ka niya ng butas para mapaalis ka sa kompanya lalo na sa posisyon mo. Huwag mong hahayaan na mawawala ang lahat ng meron ka ng dahil lang sa kaniya. Anak ka rin ng daddy mo kaya dapat nasa iyo ang simpatya ng mga nasa board of directors lalo na at ikaw ang kilala nilang anak ng daddy mo.” anas pa ni Elloise. Pinagkrus naman ni Hannah ang mga kamay niya sa dibdib niya habang nag-iisip ng paraan para mapaalis si Celeste sa kompanya lalo na sa paningin ni Maximus.
“Kailangan ko munang siguraduhin na hindi mababaling ang atensyon ni Max kay Celeste. Hindi pwedeng magkaroon ng interest si Maximus sa kaniya dahil kapag hinayaan ko na mangyari yun baka malaman ni Max na hindi ako ang babaeng nakasama niya 7 years ago—ouch! Mom!” da/ing niya nang batukan siya ng kaniyang ina ng mas malakas kesa kanina.
“Uunahin mo pa ba yan kesa sa kompanya?!”
“Sa tingin mo ba makukuha ko ang posisyon ng pagiging CEO kung hindi dahil kay Maximus? Mom, lahat ng natatamo ko ngayon dahil yun sa impluwensya ni Max dahil naniniwala sila kay Maximus. Kung sino ang pinagkakatiwalaan ni Maximus ay pinagkakatiwalaan din nila kaya hindi pwedeng mawala sa akin si Max. Kapag naagaw siya ni Celeste, madali na ring maaagaw ni Celeste sa akin ang lahat.” Napaisip naman si Elloise at narealize niyang tama ang anak niya.
Pinagkatiwalaan ng board of directors si Hannah nang malaman nilang may connection siya kay Maximus.
“Bakit ba kasi hindi ka pa rin nabubuntis hanggang ngayon? Pitong taon mo na rin siyang nakakasama pero wala pa rin kayong anak, ni engagement ring wala ka pa ring nakukuha. Ano bang plano niyong dalawa? Kapag nagkaroon ng anak sayo si Maximus imposibleng iwan ka pa nun.” Lalo namang nainis si Hannah dahil matagal niya na ngang nakakasama si Maximus pero ni minsan hindi siya nito ginalaw.
Hindi niya rin alam ang dahilan kung bakit ba gustong manatili ni Maximus sa babaeng nakasama niya noong gabing yun kung wala lang din naman siyang balak na pakasalan ito.
“Walang nangyayari sa amin mom. Ayaw ko naman na mag-iba ang paningin niya sa akin kapag ako ang unang nagbigay ng signal. Hinihintay ko siyang gawin niya rin sa akin kung anong ginawa niya kay Celeste pero hanggang ngayon wala siyang ginagawa sa akin, ni halikan o haplusin niya ako hindi niya magawa. Minsan ko na rin siyang sinubukang halikan pero iniwas niya sa akin ang paningin niya at napahiya ako kaya hindi ko na inulit pa.”
“Bakit hindi ka gumawa ng paraan? Paano kung inakit ni Celeste si Maximus noon? Gumawa ka ng kilos kapag nasa loob kayo ng kwarto huwag sa office dahil kahit sino pwedeng makakita sa inyo. Sigurado akong ayaw yun ni Maximus, kung hindi ka rin tanga.” Panenermon pa ng kaniyang ina.
Gusto na rin ni Hannah na magkaroon sila ni Maximus ng anak pero hindi niya alam kung paano. Mas lalo siyang naging desperada ngayong nandito na si Celeste. Nag-iisip siya ng paraan para maakit niya si Maximus ng sa ganun ay may mangyari na rin sa kanila at pakasalan na siya nito. Gusto niya ng maging Mrs. Lim.
Lumipas ang mga araw, pinuntahan ni Sarah si Celeste dala-dala ang mga information na nakalap niya tungkol kay Hannah. Naabutan niyang nakaharap sa laptop si Celeste sa sofa kaya tumabi na siya kay Celeste.
Ibinaba niya sa table ang brown envelope kaya napatingin dun si Celeste.
“Nandyan yung mga information na nakuha ko tungkol kay Hannah.” Kinuha naman yun ni Celeste at binuksan, kunot noo niya namang tiningnan ang napakaraming mga papeles.
“Wala akong oras na basahin yan lahat, alam kong nabasa mo na yan. Sabihin mo na lang sa akin.” saad ni Celeste na ikinairap ng mga mata ni Sarah dahil nagmumukha siyang secretary kapag si Celeste ang kasama niya.
“Nagparetoke si Hannah sa isang clinic sa Thailand, ilang araw ang nakakalipas nang lumipad ka patungong France. Yan lang ang nalaman ko, kung saang clinic siya nagparetoke at kung kailan. Wala siyang kasama na nagpunta dun. Nasa mga documents na rin ang before and after na picture ni Hannah. Pwede mong gamitin yan laban sa kaniya kung gusto mo. Wala naman akong nalaman tungkol sa kanila ni Mr. Lim.” Kunot noong nilingon ni Celeste ang kaibigan niya dahil bakit naisama sa usapan si Maximus?
“Wala akong pakialam kay Maximus lalo na sa relasyon nilang dalawa. Wala akong pakialam kung kailan naging sila dahil ang gusto ko lang malaman ay kung ano ang dahilan ni Hannah para gayahin ang mukha ko. Iisipin ko na sanang gusto niyang nakawin ang pagkatao ko dahil pinalayas na ako ni Daddy pero hindi niya naman ninakaw ang pangalan ko. Alam kong may malaking dahilan kung bakit nagparetoke siya ng mukha at yun ang gusto kong malaman bukod sa gusto kong mabawi sa kaniya ang kompanya ni Mommy.” napatango naman si Sarah.
Akala niya ay kasama rin sa ipinapagawa sa kaniya ni Celeste ang tungkol kay Hannah at Maximus. Iisipin na sana ni Sarah na may gusto ang kaibigan niya kay Maximus dahil sino bang hindi magkakagusto sa kaniya? He’s the most powerful man in this country.
“Nasan nga pala yung mga bata? Hindi ko naririnig na mga nag-iingay?” pag-iiba na lang ni Sarah ng usapan saka siya tumingin sa kwarto.
“Kasama nila ang yaya nila, namasyal sa mall.” Nagtataka namang tiningnan ni Sarah ang kaibigan niya. Kailan pa nagkaroon ng baby sitter ang mga anak niya?
“May yaya sila? Kailan pa?” tanong niya.
“Kakasimula pa lang din niya ngayong araw. Nakuha ko siya sa isang agency,” sagot ni Celeste habang nakatingin sa laptop niya. Napatango na lang si Sarah, kung sabagay sino bang hindi mapapagod na mag-alaga sa tatlong yun? Mag-isang pinalaki ni Celeste ang mga anak niya kaya alam ni Sarah na napapagod na rin si Celeste sa pag-aalaga sa mga bata.
Hanggang ngayon nagtataka si Sarah kung sino ba ang misteryosong ama ng mga anak ni Celeste. Minsan na tinanong ni Sarah ang tungkol dun pero wala siyang nakuhang sagot kay Celeste kundi ang matatalim na tingin lang ng kaibigan niya sa kaniya.
“Babalik ako sa kompanya at makikipagkita na sa mga board of directors. Alam kong noong nakaraang linggo pa nila ako hinihintay at nakakahiya naman kung ako pa ang hindi tutupad sa usapan lalo na at nakapirma na kami ng mga kontrata.” Saad ni Celeste saka niya itiniklop ang laptop niya at kinuha ang bag niya.
“Sabihin mo na lang sa akin kung saang mall nagpunta ang mga bata para sundan na lang sila.” anas naman ni Sarah.
“Sa MOA,” tipid na sagot ni Celeste. Sabay na silang lumabas ng bahay at naghiwalay na nang pareho silang makasakay ng sasakyan. Dumiretso na si Celeste sa kompanya, may kotse siyang nakasabay sa entrance ng kompanya pero hindi niya na yun pinansin.
Nilapitan siya kaagad ng isang lalaki at ibinigay niya dun ang susi niya pero naunahan siya ng isang lalaki kaya kunot noong tiningnan ni Celeste kung sino ang lalaking nakipag-unahan sa kaniya sa pagbigay ng susi sa lalaki para maipark ang kotse niya.
Hilaw na lang siyang natawa sa isipan niya ng si Maximus ang nakita niya.
“Nakita mong ako ang unang nilapitan diba? Nakikipag-unahan ka pa.” masungit niyang saad pero blangko lang siyang tiningnan ni Maximus.
“Nauna kang nilapitan dahil maganda ka pero nauna akong makarating sayo rito.” hilaw na talagang natawa si Celeste. Marunong na ba talagang pumuri ang isang Lim sa mga babae ngayon? O baka sinabihan niya lang na maganda si Celeste dahil iisa lang ang mukha nila ni Hannah? Napapairap na lang si Celeste kapag naaalala niya si Hannah.
“Ipapark ko na lang din po ma’am ang kotse niyo pagkatapos po ni Mr. Lim.” Nakayuko nang wika ng lalaki na para bang nahihiya na. Hindi siya makaangal dahil si Maximus na ang kaharap niya. Hindi na lang pinansin ni Celeste at ibinigay na lang din ang susi ng sasakyan niya saka siya pumasok ng kompanya.
Kasabay niya naman si Maximus at hindi siya apektado ng presensya ni Maximus. Nakatingin si Maximus sa likod ni Celeste at masasabi niyang malayong malayo talaga sila ni Hannah. Marami silang pagkakaiba, Hannah is like an angel lalo na ang tinig niya ganun na rin ang mga kilos niya pero si Celeste kabaliktaran ni Hannah.
Masyadong matapang at palaban ang mukha ni Celeste, tila may pagkagaspang din ang pag-uugali base sa nakikita ni Maximus. Masyado siyang prangka at para bang walang kinatatakutan.
Sumakay na ng elevator si Celeste at sumunod naman sa kaniya si Maximus. Magkakrus ang mga kamay ni Celeste at nakikita niya ang repleksyon niya at ni Maximus sa elevator.
Nang tumunog ang cell phone ni Celeste ay sinagot niya yun.
“What?” gulat niyang saad kaya napatingin sa kaniya si Maximus kahit na hindi nakaloud speaker ang cell phone ni Celeste ay naririnig pa rin ni Maximus ang usapan dahil masyadong tahimik ang kinaroroonan nila.
“Nasa hospital ang daddy mo, itinakbo nila kanina dahil inatake yata sa puso habang nasa business meeting siya.” saad ni Sarah. Napahilot na lang si Celeste sa sintido niya.
“May meeting ako with the board of directors ngayon at nakakahiya naman kung icacancel ko na naman. I’ll visit him later,” sagot ni Celeste saka niya ibinaba ang tawag.
Napapakunot naman ng noo si Maximus dahil ang sabi sa kaniya ni Hannah ay wala na silang contact kay Celeste at itinakwil na siya ng pamilya nila dahil wala ng pakialam si Celeste sa kanila at isinumpa pa na sila ang naging pamilya niya pero bakit parang may mali sa kwento ni Hannah?