Share

Celeste: Of Beauty and Secrets
Celeste: Of Beauty and Secrets
Author: Bimaia

Prologue

Author: Bimaia
last update Last Updated: 2021-09-14 07:00:37

Marahang sumasayaw ang mga ligaw na bulaklak pati na rin ang mga damo sa bawat hampas ng malamig at malakas na hangin ng gabing iyon. Madilim din ang paligid dahil nakatago ang mga higanteng buwan. Tanging ang iilang mga tala lang sa langit ang nagbibigay tanglaw sa kapaligiran. Sa bawat sulok ng kagubatan ay naghahanda na sa pagtulog ang mga hayop sa kani-kanilang puwesto maliban na lang sa mga insekto.

Tuwing laganap ang dilim ay saka lamang sila nagsisilabasan upang humanap ng makakain. Karamihan sa mga ito ang mga lamok na maikukumpara ang laki sa hinliliit ng isang tao. Kapansin-pansin din ang kulay pula at berde nilang katawan na tila umiilaw sa tuwing umiinom sila ng dugo. Matulin silang lumilipad palayo, patungo sa iba't-ibang direksiyon. Ang bawat pagaspas ng kanilang mga pakpak ay lumilikha ng mga ingay na bumabasag sa katahimikan ng gabi.

Samantala, sa may 'di kalayuan ay tahimik na naglalakad ang pitong katao. May isang metro ang distansiya nila sa isa't-isa, ngunit para silang mga mandirigma kung kumilos. Mabilis pero maingat. May hawak-hawak silang mga pulang kandila habang nakayukong binabagtas ang isang makipot at masukal na daan papasok sa kagubatan. Hindi nila alintana ang mga insektong nagsisidapuan sa kanilang mga damit. Hindi rin nakikita ang kanilang mga hitsura dahil nakatalukbong ang mga ito ng pulang tela mula ulo hanggang paa maliban lang sa taong nasa hulihan ng pila. Nababalutan ito ng kulay itim na tela ngunit kapansin-pansin na nakaangat ang kaniyang ulo. Tuwid itong naglalakad habang pasan-pasan na parang isang sako ng bigas ang pigura ng isang babaeng nakabestida ng puti. Hindi na rin ito gumagalaw. Idagdag pa na may takip ito sa mukha kaya naman ay hindi nakikita kung sino ito.

Nang makarating sa bungad ng kagubatan ay unti-unti na ring bumibigat ang bawat hakbang ng mga ito. Nagiging maputik na kasi ang lupang kanilang dinaraanan.

Unti-unti rin silang pinalilibutan ng mga alitaptap. Ang mga ito ang nagbibigay ng munting liwanag sa kanilang paglalakbay.

Habang lumalayo ay kapansin-pansin ang malaking pagbabago ng kapaligiran. Bawat punong madaanan ay mas malaki at makapal kaysa sa nauna. Hindi na rin masyadong naaabot ng liwanag ang paligid pero patuloy lang ang mga ito sa paglalakad.

Makalipas pa ang halos isang oras ay isa-isa na ring nawawala ang kanilang mga gabay. Kasabay ng pag-alis ng mga ito ang muling pagkalat ng kadiliman sa paligid. Ganoon pa man ay hindi pa rin sila huminto. Tila ba kabisadong-kabisado na nila ang lugar.

Huminto lang sila nang makarating sa isang maluwang na tahaw.

Hindi na halos makita ang lupa dahil sa kapal ng usok na pumapalibot dito. Nakapaninindig ng balahibo ang kadilimang bumabalot sa paligid. Ganoon pa man ay tinagurian pa rin itong puso ng kagubatan.

Pinamamahayan ito ng mga higante at sinaunang mga puno. Naglalakihan ang ugat ng mga ito na halos lumabas na sa lupa. Pati ang luntiang dahon ng mga ito ay kasing laki ng mukha ng isang tao. Ang mga ito rin ang dahilan kung bakit hindi dumadalaw ang kahit anumang liwanag sa parteng iyon. Idagdag pa na dikit-dikit ang mga ito kaya naman ay nagmimistulang gabi rito kahit putok na ang mga araw sa hilaga.

Hindi na nag-aksaya ng oras ang pitong lalaki. Mabilis silang gumalaw. Nagmamadali ang mga ito. Kailangan nilang matapos ang kanilang ritwal bago pa sumabog ang unang liwanag.

Maingat na ibinaba ng nakaitim na lalaki ang kaniyang karga sa gitna ng isang malaking bilog. Napalilibutan din ito ng mga simbolo na may iba't-ibang hugis at laki. Isa itong ritual circle na gawa sa sariwang dugo ng isang birhen. Matapos umusal ng mahinang dasal ay pinaikutan na nila ang babae. Hindi masyadong malayo at hindi rin masiyadong malapit. Sakto lang ang kanilang distansiya.

Kasunod nito ay sabay-sabay nilang itinaas ang kani-kaniya nilang mga hawak bago magsimulang umusal iyong nakaitim.

“Ang kadiliman ay maghahari sa paglubog ng araw.

Magagapi ang liwanag.

Pakinggan ang aming dasal.

Tumatawag kami sa iyo, dakilang Brielia.

Diyosa ng buhay at kamatayan.

Mula sa kailaliman ng Abaddon.

Mula sa kaharian ng Sheol.

Mula sa abot ng Arcady.

Tumatawag kami sa iyo.

Sakupin mo ang katawan ng iyong matapat na alagad at ipahiram ang iyong kapangyarihan upang malipol ang lahat ng nilikha!”

Palakas ito nang palakas hanggang sa tila umaalingawngaw ang kaniyang boses sa paligid. Sa bawat katagang binibitiwan ay siya namang paglutang ng mga kandila palapit sa babaeng wala pa ring malay.

Pagkatapos niya ay saka naman sumunod ang anim nitong kasama. Nagmistulang iisang tao lamang ang nagsasalita habang inuulit ang mga katagang binitiwan ng lalaking nakaitim.

“Ang kadiliman ay maghahari sa paglubog ng araw.

Magagapi ang liwanag.

Pakinggan ang aming dasal.

Tumatawag kami sa iyo, dakilang Brielia.

Diyosa ng buhay at kamatayan.

Mula sa kailaliman ng Abaddon.

Mula sa kaharian ng Sheol.

Mula sa abot ng Arcady.

Tumatawag kami sa iyo.

Sakupin mo ang katawan ng iyong matapat na alagad at ipahiram ang iyong kapangyarihan upang malipol ang lahat ng nilikha!”

Biglang umihip nang malakas ang hangin, ngunit hindi napundi ang ilaw mula sa mga kandila, bagkus ay mas lalo pa itong nagbuga ng apoy. Nagdudulot na rin ito ng nakapangingilabot na tunog pero hindi ito pinansin ng pito at nagpatuloy lang sa kanilang mga ginagawa.

Paulit-ulit ang kanilang mga sinasabi hanggang sa pumutok ang isa sa mga simbolo. Nagbuga ito ng pinaghalong kulay itim at puting apoy na mabilis kumalat sa pamamagitan ng mga linya hanggang sa tuluyan nitong nilukob ang kabuuan ng bilog.

Ganoon pa man ay hindi sila nagpatinag. Mula sa munting liwanag na bumabalot sa paligid ay kitang-kita ang pagpatak ng kanilang mga pawis sa lupa.

Nagsisimula na ring mangatog ang kanilang mga katawan, ngunit hindi nila ito pinansin. Kailangan nilang matapos ang ritwal. Lumabas na kasi ang unang senyales patungo sa kanilang tagumpay.

“Dinggin ang aming pagsamo, dakilang Briela! Diyosa ng kamatayan. Diyosa ng buhay! Makapangyarihang Diyosa, sinasamba namin ang iyong presensiya, ang iyong diwa. Sa r***k ng iyong buhay. Malugod ka naming inaanyayahan sa seremonyang ito, upang masaksihan ang iyong kataas-taasang kapangyarihan. Ikaw! Ikaw na isinumpa sa walang hanggang kadiliman. Tinatawag ka namin sa mga sandaling ito, upang saksihan ang aming ritual, na gaganapin sa iyong sagradong ngalan! Kaya't tanggapin mo!”

Mas lalong dumadagundong sa bawat parte ng tahaw ang kanilang mga tinig. Agad na nagsitaguan ang lahat ng mga hayop matapos makaramdam ng matinding panganib. Pati ang mga ibon ay hindi nakaligtas sa bagsik ng napakaitim na aurang unti-unting bumabalot sa lugar. Tuluyan na ring sinakop ng makakapal at maiitim na ulap ang buong kalangitan.

Tahimik lamang na nagmasid ang pito. Walang nagsalita sa kanila. Bawat isa ay nakikiramdam sa maaaring mangyari.

Mayamaya pa ay nakarinig sila ng malalakas na pagaspas. Mula sa kung saan ay bigla na lamang nagsulputan ang napakaraming uwak. Mas lalong nagdilim ang paligid. Ang tanging nakikita lamang ay ang kulay dugong mata ng mga ito na nagmimistulang umiilaw sa gitna ng kadiliman.

Nang umihip ang malakas na hangin ay unti-unti ring lumutang sa ere ang katawan ng babae. Mas lalo namang nagliyab ang apoy na nakapalibot sa bilog. Kasabay nito ang napakatinis na tunog mula sa mga itim na ibon.

Ramdam ng pito ang bahagyang paggalaw ng lupa ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi sila makagalaw. Nagmimistula silang mga estatwa na nakapako sa kinatatayuan.

Walang ano-ano'y bigla na lamang tumirik ang kanilang mga mata. Ramdam na ramdam nila ang isang napakaitim na puwersang pilit na umaangkin sa kanilang pagkatao ngunit wala silang sapat na lakas upang labanan ito.

Nang tuluyang mawala ang kanilang mga kontrol ay bumagsak sila sa lupa. Nangingisay na rin ang kanilang mga katawan habang patuloy sa pagbula ng itim na bagay ang kanilang mga bibig.

"Ikaw!"

Tumaas ang kilay ng lalaking nakatalukbong ng itim bago sinundan ang pinanggalingan ng boses. Sa kaniyang harapan ay nakatayo ang isang may edad na lalaki. Halos nababalutan na ng itim na aura ang buo niyang katawan ngunit pilit pa rin nitong lumalaban.

"Traydor ka P--"

Hindi na nito natapos ang sasabihin nang tuluyang naging kulay puti ang kaniyang mga mata.

Napangisi naman ng malademonyo ang lalaking nakaitim. Nanatili itong nakatayo habang pinagmamasdan ang mga kasamahan na wala ng buhay.

Napaatras na lang siya nang biglang lumipad ang mga ibon patungo sa kinaroroonan ng babae. Nagmistulang buhawi ang hangin dahil sa lakas ng kanilang mga pagaspas kaya't mabilis siyang tumalon palayo sa mga ito, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay nadawit ang telang nakatakip sa kaniyang ulo.

Samantala, mula sa malaking punong pinagtataguan ay bahagyang napaatras ang isang anino dahilan upang makaapak siya ng mga tuyong dahon. Lumikha pa ito ng malutong na tunog kaya naman ay mabilis niyang tinakpan ang bibig bago humalukipkip sa ilalim ng malalaking ugat. Pakiramdam niya'y huminto ang pagtibok ng kaniyang puso ng mga sandaling iyon. Nanginginig din ang buo niyang katawan habang nagsisimulang mabuo ang mga malalapot na likido sa kaniyang noo. Unti-unti ring lumalakas ang pagtambol ng kaniyang puso. Pakiramdam niya'y lalabas na ito anumang oras. Gustuhin man niyang tumakbo ay hindi niya magawa. Naninigas ang kaniyang mga binti. Alam niyang isang maling galaw ay katapusan na niya.

Napapikit na lamang siya nang mariin. Kailangan niyang pakalmahin muna ang sarili dahil kung hindi ay mas lalo siyang hindi makapag-iisip nang matino.

Dahan-dahan siyang huminga nang malalim. Hinayaan niyang muling dumaloy ang dugo sa namamanhid na katawan habang paulit-ulit na bumubuga ng hangin.

Nagpalipas pa muna siya ng ilang saglit bago sumilip. Hindi siya aalis ng walang dalang resulta.

Napawingi na lang siya nang makita kung papaanong pinapasok ng napakaraming uwak ang katawan ng babae. Sinubukan din niyang silipin kung sino ang kawawang nilalang na iyon ngunit nabigo siya. Bukod sa telang nakatakip sa mukha nito ay dumagdag pa ang mga uwak na nakapalibot dito.

Mas lalong kumabog ang kaniyang dibdib nang hindi na makita ang mga lalaking nakahandusay kanina sa lupa. Lumikot ang kaniyang mga mata pero sa hindi inaasahan ay nahagip ng paningin ang isang lalaking nakatayo sa may 'di kalayuan. Napanganga pa siya sa nakita. Kinusot din niya ang kaniyang mga mata para siguraduhing tunay nga ito.

‘Ang lalaking iyon! Hindi ako puwedeng magkamali! Siya nga!’

Related chapters

  • Celeste: Of Beauty and Secrets    Chapter 1: Simula

    Lingid sa kaalaman ng mga mortal, marami pang daigdig ang punong-puno ng buhay. Isa na rito ang mundo ng Albion. Ang lugar na nababalutan ng matinding hiwaga. Ang tahanan ng mga Cultivators, Charming Spirits, Shape and Beast Shifters, Alchemists, Giant and Golem Race, Treants, Abyss Dwellers, Phantom Tribes, Humans, pati na rin ang mga kakaibang nilalang na sa mundong ito lamang matatagpuan. Sumasabay man ang mga Albians sa agos ng makabagong panahon, ay napananatili pa rin nilang malakas ang sarili nilang mga kultura, at paniniwala. Isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanilang tradisyon ang pagtitipon-tipon ng lahat ng mangangalakal sa bawat kontinente sa tuwing sasapit ang unang linggo ng bawat panahon

    Last Updated : 2021-09-15
  • Celeste: Of Beauty and Secrets    Chapter 2: Masamang Balita

    Matataas ang bawat hampas ng mga alon sa hapong iyon. Sumasabay ito sa malakas at malamig na ihip ng hangin. Dumagdag pa sa masamang panahon ang pangingitim ng mga ulap.Mula sa maluwang na balkonaheng kinatatayuan ay naningkit ang mga mata ng isang matangkad na lalaki habang matamang na nakatingin sa kabuuan ng karagatan. Medyo pahaba ang kaniyang mukha na bumagay sa matangos niyang ilong. May kakapalan rin ang labi habang kasing tingkad naman ng uling ang mga mata nito. Kahit nababalutan ng asul na tela ang buo niyang katawan ay mapupuna pa rin ang maputla niyang balat sa mga brasong nakalabas. Humahampas na rin sa kaniyang mukha ang mahaba at kulay pilak na buhok, ngunit hindi niya ito pinansin. Mas binibigyan niya ng importansiya ang tila ipo-ipong unti-unting nabubuo sa gitna ng dagat. Hindi rin nakaligtas sa matalas na paningin ang misteryosong kadiliman na dahan-dahang pumapalibot sa isang isla na malapit sa kaniyang kaharian. Napahawak na lamang siya sa kaniyang dibdib nang

    Last Updated : 2021-09-15
  • Celeste: Of Beauty and Secrets    Chapter 3: Si Astrophel Corbin

    Samantala, sa isang liblib na lugar sa mundo ng mga mortal, ay bigla na lamang nagmulat ng mga mata ang isang lalaking nakahiga sa mahabang sofa. Hindi pa man siya nahihimasmasan ay narinig na niya ang boses na tumatawag sa kaniya."Hey, Astro! Get up. Ikaw na ang susunod na lalaban."Bumungad agad sa kaniya ang malakas na liwanag kaya naman ay mabilis niyang tinakpan ang mga mata. Umayos na rin siya sa pagkakaupo."You fucking looked like a mess."Hindi na kailangang lingunin pa ni Astro kung sino ang nagsalita. Boses pa lang kasi ay kilalang-kilala na niya. Napahilamos na lang siya sa mukha bago inilibot ang paningin sa kabuuan ng silid.The place was a total wreck. Nagkalat sa lamesa ang mga pulutan, pati na rin ang mga upos ng sigarilyo. Idagdag pa rito ang napakaraming basag na bote sa sahig. Pati iyong malaking telebisyon na nasa kaniyang harapan ay hindi nakaligtas. May nakabaon ditong mga bolang pambilyar."What happe-." He didn't get to finish his question when he suddenly fel

    Last Updated : 2022-01-12

Latest chapter

  • Celeste: Of Beauty and Secrets    Prologue

    Marahang sumasayaw ang mga ligaw na bulaklak pati na rin ang mga damo sa bawat hampas ng malamig at malakas na hangin ng gabing iyon. Madilim din ang paligid dahil nakatago ang mga higanteng buwan. Tanging ang iilang mga tala lang sa langit ang nagbibigay tanglaw sa kapaligiran. Sa bawat sulok ng kagubatan ay naghahanda na sa pagtulog ang mga hayop sa kani-kanilang puwesto maliban na lang sa mga insekto.Tuwing laganap ang dilim ay saka lamang sila nagsisilabasan upang humanap ng makakain. Karamihan sa mga ito ang mga lamok na maikukumpara ang laki sa hinliliit ng isang tao. Kapansin-pansin din ang kulay pula at berde nilang katawan na tila umiilaw sa tuwing umiinom sila ng dugo. Matulin silang lumilipad palayo, patungo sa iba't-ibang direksiyon. Ang bawat pagaspas ng kanilang mga pakpak ay lumilikha ng mga ingay na bumabasag sa katahimikan ng gabi.Samantala, sa may 'di kalayuan ay tahimik na naglalakad ang pitong katao. May isang metro ang distansiya nila sa isa't-isa, ngunit para si

DMCA.com Protection Status