Home / Romance / Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him ) / Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him)

Share

Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )
Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )
Author: Presilda Amore

Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him)

last update Last Updated: 2023-04-01 07:58:47

Presilda Amore

Chapter 1

There are times when I just want to look at your face…

With the stars in the night. There are times when I just want to feel your embrace…

In the cold night…

Habang tumutugtog ang Forevermore ng Side A sa radyo ay kasabay naman nito ang hindi matigil na pag-agos ng luha ni Faye sa magkabila niyang pisngi. Kanina pa siya nakatayo sa bintana ng kwarto niya, nakadungaw sa labas na tila may hinihintay. Gulo-gulo ang buhok, blangko ang mukha, walang ganang kumilos, humpak ang mga pisngi at nangangalumata. Mabaho na din ang amoy niya dahil ilang araw na siyang hindi naliligo. Hindi pa siya lumalabas ng kwarto, may dalawang araw na.

"Faye, ano ka bang bata ka kanina pa ko tawag ng tawag sayo. Sinabi ko ng bumaba ka na dito at kumain." Tinatawag na siya ng kanyang lola pero hindi niya napapansin ito dahil malalim ang kanyang iniisip. Naglalaro sa gunita niya ang mga nangyari sa kanila ng kaniyang ex-boyfriend na si Mark.

Masayang-masaya siya ng araw na iyon dahil inaasahan niya na darating ang kanyang boyfriend at lalabas sila, magdedate at kakain sa paborito nilang restaurant. May limang taon na silang magkasintahan. Ito ang una niyang boyfriend. Inaasahan na ng lahat na sila na ang magkakatuluyan. Mabait ang binata sa kaniya at mahal na mahal niya ito. Panatag ang loob niya kapag nariyan ang kasintahan. Hanggang sa may isang text message na bumago sa mood niya at nakapagpabago ng lahat.

"Hi love! Sunduin kita mamaya ha. Love you."

Laking gulat ni Faye sa nabasa. Pinanlamigan siya ng mga kamay habang parang mauupos na kandila na napaupo sa kanilang mahabang sofa. Inulit niyang basahin ang text. Ilang beses niyang binalikan ang message nito. Paulit- ulit. Hanggang sa marealized niya na text ito mula kay Mark. Alam niyang hindi para sa kaniya ang text na iyon. ‘Mahal’ ang tawagan nila at hindi ‘Love.’

Agad niyang tinawagan si Mark. "H-hello,” hindi niya mapigilan ang mahina at garalgal niyang tinig.

"Bakit Mark? Sino itong tinext mo na love? At susunduin? Wala tayong usapan na susunduin mo ako?!” Inis na ang tono ni Faye na anytime sasabog na ang galit niya. Isang bungtong-hininga lang ang narinig niya mula sa kabilang linya.

“Sino yan Mark? Niloloko mo ba ako? Sabihin mo ‘yong totoo!" katahimikan pa rin ang naging tugon ni Mark sa mga tanong ni Faye.

Hindi na napigilan ni Faye ang kaniyang damdamin. Sumambulat na talaga ang kaniyang emosyon. Isa-isa ng pumapatak ang luha niya, pinipigil niya dahil ayaw niyang marinig sya ni Mark na umiiyak. Ayaw niyang kaawaan siya nito. Gusto niyang ang maging sagot ni Mark ay hindi, na nagkamali lamang ito.

Pero iba ang naging tugon nito. "Oo Faye, para sa iba ang message ko na yan. Na-wrong send ako sayo. Aaminin ko sayo ‘yong totoo. May iba na ‘kong mahal."

Tuluyan nang humagulgol ng iyak si Faye.

"Bakit, bakit?! Bakit Mark!?” Sumisigaw na siya. Magkahalong galit at awa sa sarili ang nararamdaman niya. Nanginginig ang kalamnan niya. Hindi niya maintindihan kung dahil ba sa galit o sa matinding pagkabigla. Parang kasing bombang sumabog sa harapan niya ang text message na iyon.

"Faye, I’m sorry. Hindi ko na kayang mahalin ka." At tuluyan nang pinatay ni Mark ang phone sa kabilang linya. Patuloy pa rin sa pag-iyak si Faye. Walang tigil. Gusto niyang humingi ng saklolo dahil ang sakit-sakit ng nararamdaman niya. Habang basang- basa na ang cellphone niya sa kakaiyak, pinipilit naman niyang matawagan muli si Mark pero hindi na ito sumasagot.

Mag-isa lang siya sa bahay. Namalengke ang kaniyang lola. Sa mga oras na iyon, ang pakiramdam niya ay para siyang pinagsakluban ng langit at lupa, parang nasa isa siyang sakuna o aksidente, hindi siya makatayo at nangangailangan ng tulong. Nakakagat na niya ang labi niya sa sobrang pagpipigil na huwag maging maingay sa pag-iyak. Ayaw niyang marinig siya ng kapitbhay, baka isumbong pa siya ng mga ito at malaman pa ng lola niya ang mga nangyari. Maysakit ito sa puso, at ayaw niyang makadagdag ng alalahanin dito. Tanging nahiling niya…Sana panaginip lang ang lahat ng ito.

---

Si Aling Mercy na ang tumayong nanay at tatay kay Faye. Namatay ang kaniyang mga magulang sa isang car accident sa Baguio noong nasa Grade 4 pa lamang siya. Negosyo ng kaniyang mga magulang ang pag-aangkat ng mga gulay dito at dinadala naman ito sa mga suki nila sa palengke sa Balintawak. Habang paakyat ang sasakyan ng mga magulang niya patungo sa St. Martin Market ay may isang truck naman na pasalubong na mabilis na sumalpok sa kanilang sasakyan. Sa lakas ng pagkakabangga ay agad na binawian ng buhay ang kaniyang mga magulang. Ayon sa imbestigasyon ay lasing ang driver ng truck habang nagmamaneho ito. Tatlong taon pagkatapos mamatay ang kaniyang mga magulang ay sumunod namang namatay ang kaniyang lolo dahil sa atake sa puso. Sila na lamang maglola ang naiwan sa bahay. Nagtinda ng mga damit, tsinelas at unan ang kaniyang lola para maitaguyod siya sa pag aaral. At ngayon nga na tapos na siya sa kolehiyo sa kursong Management at may maganda nang trabaho, siya naman ang tumatayong breadwinner sa pamilya.

"Faye, Faye! Ano ba? Hindi mo ba ako talaga pakikinggan?" Galit na ang boses ng lola ni Faye, hindi na ito nakatiis at inakyat na sa kwarto ang dalaga. Para namang binuhusan ng malamig na tubig si Faye. Nakita niya ang lola niya. Nasa harapan na niya ito, nakatingin sa kanya at nakapameywang. Pinanlakihan siya ng mga mata nito na naghihintay ng sagot mula sa kaniya.

"Lo...lo...la,” ang pautal-utal na nabanggit ni Faye. Dahil sa pagkabigla ay hindi ito makatingin ng deretso sa matanda.

"Kanina pa ako tawag ng tawag sayo, kaya inakyat na kita. Ano ba ang problema mo at ilang araw ka ng hindi bumababa. Napapanis palagi ang mga pagkaing niluluto ko para sayo. Naiiwan lang sa lamesa hindi mo kinakain. Dalawang araw ka ng nagkukulong sa kwarto. At itong damit mo, nung isang araw mo pa suot ito, ah!" Nakataas ang kilay nito habang tinuturo ang suot niyang bulaklaking pang-itaas at pajama.

"Naaamoy na rin kita, mabaho ka na, 'di ka pa naliligo.” Napatigil si Aling Mercy nang mapansin nito na namumula ang mata ng kanyang apo, nangangalumata ito at tila pumayat. Umiwas ng tingin si Faye at tumalikod. Pumunta siya sa kanyang kulay puting cabinet na may kalumaan na. Nabubuhay pa ang mga magulang niya ay naroon na ang cabinet at hanggang ngayon ay gamit pa niya. Binuksan niya ang drawer niyon at nagkunwaring may hinahanap.

Sinundan siya ng kanyang lola at natigil sa kaniyang ginagawa.

"Faye...” ang mahina nitong tinig ay may halo ng pag-aalala. Muling tumalikod si Faye at pumunta naman sa tokador kung saan naroon ang salamin. Nakita niya ang sarili na gulo-gulo ang buhok. Kinuha niya ang hairbrush at nagsuklay ng buhok. Pinagmamasdan pa din siya ng matanda. Hindi maalis ang paningin nito sa maamo at magandang mukha ng apo.

At sa mababang tinig nito ay nagtanong, "Anong nagyayari sayo? Lola mo ako, sabihin mo sa akin ang mga problema mo. "Lola, wala po akong problema," mahina ang boses ni Faye at pinipilit na maging matatag, para hindi siya mahalata nito na may pinagdaraanan siya.

Iwas na iwas din ang tingin nya dito upang ikubli ang sakit na nararamdaman nya. Ayaw na ayaw niya talagang mag-aalala ito ng sobra sa kanya. Maysakit ito at hindi na kailangan pang sabihin pa ang problema niya. Sasarilinin nya na lamang ito.

Ipinatong ni Aling Mercy ang kanang kamay sa balikat ni Faye.

"Huwag mo akong paglihiman apo. Matagal na tayong magkasama na tayong dalawa lamang. Namatay na ang magulang mo nasa elementarya ka pa lang. Ganundin ang lolo mo wala na rin. Mahirap para sa akin na hindi ka magsabi ng mga gumugulo sa isip mo. Kilala kita apo kapag may problema ka," pagpipilit ng kaniyang lola.

"Lola... lola..." sinasambit niya ang salitang lola habang bigla na lamang tumulo ang kaniyang mga luha. Magkasalikop ang dalawang kamay at parang batang takot na takot na nagsusumbong. "Wala na po kami ni Mark. Lola ang sakit. Hindi ko kaya na wala siya."

Dahil sa narinig ay mabilis siyang niyakap ng kaniyang lola at hinagod- hagod ang kaniyang likod. "Nandito lang ako apo, nakikinig sayo."

"Nahuli ko po siya sa text dahil nawrong send po sya. Pinakita ni Faye ang message ni Mark. At nang kausapin ko po siya, inamin po niya sa akin ang totoo. May mahal na daw siyang iba at di niya na ako kaya pang mahalin." Bumuhos na ng todo ang luha ni Faye habang nakasubsob sa balikat ng kaniyang lola.

Alalang-alala ito sa kaniya. Yakap-yakap siya nito at ang isa nitong kamay ay humahaplos sa mahaba at makintab niyang buhok. "Pakalmahin mo apo ang puso mo, ang sakit na iyan ay lilipas din. Magugulat ka na lang isang araw nawala na ang sakit. Tibayan mo ang loob mo at tanggapin mo ang mga pagbabago sa buhay mo ngayon. Lagi kong sinasabi sa iyo na kapag ikaw ay nalulungkot, isipin mo na lang ang bilyon-bilyong tao sa mundo na lumuluhang katulad mo. Na maaaring ang dahilan ng pagkalungkot nila ay dahil sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay, matinding trahedya na kanilang pinagdaraanan at maaaring galing sila sa malaking sakuna gaya ng lindol, matinding bagyo o baha. Kaya isipin mo na lang na may nagmamahal sayo, nandito sa tabi mo, ang lola mo. At syempre apo huwag kang makakalimot sa Diyos. Nariyan siya palagi upang gabayan tayo."

Parang nabunutan ng tinik sa dibdib si Faye sa mga narinig sa kaniyang lola. Ito talaga ang totoong sandigan niya sa lahat ng oras. Pawang magagandang salita ang sinasabi nito na nagbibigay sa kaniya palagi ng pag-asa. Mahal na mahal niya ang kaniyang lola. Lagi itong nakasuporta sa anumang nagaganap sa buhay niya. At nagpapasalamat siya ito ang naging lola niya. "Salamat lola, ikaw ang palaging nagbibigay sa akin ng inspirasyon para magkaroon ng liwanag sa buhay. Niyakap niya ang lola niya ng mahigpit na parang di na pakakawalan pa.

"Apo, hindi ako makahinga," pagbibiro nito at sabay silang napahalakhak ni Faye. Nang mga oras na iyon, pakiramdam ni Faye ay may isang tagapagtanggol siyang bumaba mula sa langit at ito ay walang iba kundi ang kaniyang lola.

Hinawakan ni Aling Mercy ang kamay ng apo. "Halika na nga sa baba at kumain na tayo, kanina pa pinagpipiyestahan ng mga langaw ‘yung kakainin natin 'dun."

"Sige po," ang nakangiti nang sambit ni Faye.

Bumaba na sila at sa hapag-kainan ay masaya nilang pinagsaluhan ang masarap na pagkain. Mainit-init pa ang kanin at mechado na expertise na ng kaniyang lola. Sinabi ni Faye sa kaniyang sarili na kakalimutan niya muna ang hapdi at sakit. Magpopokus muna siya sa tunay na nagmamahal sa kaniya. At lihim na hiniling na sana kinabukasan ay wala na ang kalungkutan at puro kaligayan na lamang ang manatili sa kaniyang dibdib. Dati’y naniniwala siyang ‘first love never dies.’ Pero sa pagkakataong ito, gusto niyang mamatay ang damdamin niya para sa kaniyang First Love.

Chapter 2

Tiktilaok! Tiktilaok!

Malakas at sunud-sunod ang pagtilaok ng manok ni Mang Teban. May mataas at may mababa ang tono. Para bang nag-eensayo sila sa paparating na konsyerto. Hindi na kailangan ni Faye ng alarm clock dahil sa ingay ng mga manok ay tiyak na magigising ka talaga. Si Mang Teban ang may-ari ng katabing bahay nila Faye. Isa na siyang byudo. May kani-kaniyang pamilya na rin ang mga anak nito kaya mag-isa na lang ito sa bahay at puro mga manok na lang ang inaasikaso. May gusto ito sa kaniyang lola. Pero nang minsang magsabi ito na manliligaw ay agad nireject agad ng lola niya dahil matanda na raw sila para sa ganoong bagay.

"Hay, alas singko na pala. Kailangan ko nang magmadali para ‘di malate sa trabaho," usal ni Faye sa kaniyang sarili habang tinitiklop ang kumot at inaayos ang unan sa kamang tinulugan niya.

Nagmamadali na siyang naligo at nagbihis. Habang nagbibihis ay napatingin siya sa salamin. Pinagmasdan niya ang sarili. Nakita niyang lalong naging flat ang tiyan niya. Bumagay ito sa makurba niyang katawan. Siguro nga ay dahil naging workaholic siya kaya di siya tumataba. Bahagya siyang pumayat pero seksi pa din. Lumapit pa siya ng husto sa salamin at tiningnan ang mukha niya. Makinis pa rin ito. Walang tigyawat, closed pores ang skin niya kaya di basta basta nagkakaroon ng mga blackheads at pimples. Matangos ang kaniyang ilong, medyo bilugan ang kaniyang mga mata. Maliit lang ang kaniyang mukha na hugis puso. Sa madaling salita maganda siya. Sabi ng iba kamukha raw niya ang artistang si Dina Bonnevie noong kabataan nito. Hindi siya masyadong kaputian. Di rin nman sya kayumanggi. Tamang-tama lang ang kulay ng kaniyang balat para mamukadkad ang kaniyang ganda. Sinuklay niya ang kaniyang lampas-balikat na buhok. Itim na itim ang kulay nito. Pero marami- rami na ding split ends ang dulo.

"Time na yata para magpaparlor ako, ang dami ko ng split ends,” sabi ni Faye sa sarili. Mula kasi ng nagbreak sila ni Mark, tinamad na siyang pumunta sa parlor. Iniisip niya kasi na panay na nga ang paganda niya noon pero iniwan pa rin siya ng boyfriend. Pumasok sa isip niya na wala talaga sa pisikal na attraction ang ikatatagal ng relasyon. Kahit na ikaw pa ang pinakaguwapo o pinakamaganda sa lahat. Iiwan ka pa din ng boyfriend mo kung gusto kang iwan. Naging mabuti naman siyang girlfriend. Loyal naman siya at sweet. Mayroon lang talaga sigurong lalaki na hindi makuntento sa isa.

Isang taon na ang nakakaraan mula ng magbreak sila ng boyfriend na si Mark. Isang taon na rin niyang sinubsob ang sarili sa pagtatrabaho. Ito lamang ang nakikita niyang paraan para makalimot. Ang magpakabusy. Ang maging workaholic.

Ngayon ay isang executive assistant na siya sa Willdon Company. Isang kompanya ito ng mga textiles. After niya makagraduate ay nag-apply siya dito at natanggap naman agad. Dahil sa angking talino at sipag ay napagkatiwalaan siya ng kaniyang boss at napromote na executive assistant. Dati ay karaniwang clerk lang siya at tamang-tama lamang ang sahod. Ngayon ay mas mataas na ang sahod niya, mas nakakaipon na siya at nabibili na ang lahat ng gusto at pangangailangan nilang maglola. Pati ang mga gamot nito sa puso ay nasusuportahan na niya. Pinatigil na din niya ito sa pagtitinda.

Pagbaba niya galing sa kwarto ay nadatnan niya ang kaniyang lola na nakaupo na sa lamesa at hinihintay na siya para mag-agahan. Kahit sa gulang na 62 ay mababakas pa din ang kagandahan nito. Payat pa rin ito katulad ng dati. Namana ni Faye ang pagiging balingkinitan ng katawan nito. Matangos din ang ilong at maliit din ang mukha. Makikita na sa mukha nito ang kaunting kulubot pero parang bata pa rin itong tingnan sa totoong edad niya. Kapag ngumiti ito, makikita ang mapuputing ngipin nito na walang pustiso ni isa. Maalaga ito sa katawan maging sa mga ngipin. Kahit may uban na, palaging itim ang kulay ng buhok niya dahil lagi itong nagpapakulay. Ayaw niya daw magmukha siyang lola. Kaya buwan-buwan nasa parlor ito.

"Apo mag-almusal ka muna bago pumasok. At itong baon mo dalin mo." Umupo na si Faye at nagsimulang kumain. Nagluto ang kaniyang lola ng sinangag, itlog at ginisang sardinas.

"Lola birthday nga pala ni Tricia ngayon. Ililibre daw niya kami ng lunch. At sa hapon naman ay may meeting kami baka malate po ako ng uwi."

"Ah, ganun ba? O basta magpakabusog ka, wag kang magpakagutom ha? Kapag ginabi ka o nahirapan kang umuwi ay tumawag ka sakin ha. 'Wag mo akong pinag-aalala."

"Opo lola, alis na po ako,” sabay halik sa kaniyang lola at niyakap ito ng mahigpit at inamoy-amoy niya pa ang leeg nito. “Hmm… ang bango talaga ng lola ko."

"Ikaw tlagang bata ka...," pabiro nitong kinurot ang apo.

"Paano akong magiging mabango e hindi pa nga ako naliligo," nakangiti ito at gumanti rin ng halik sa apo.

"Alas-sais na umalis ka na baka malate ka pa." pagpapaalala nito.

"Love you Lola," nakangiti niyang sabi. Kumaway na siya dito at tinungo ang pinto.

Paglabas ni Faye ay nadaanan niya na maaga pa lamang ay marami ng nasa labas. Araw-araw na ganito ang kanilang lugar sa Barangay Pag-asa sa Caloocan. Makikita mo ang mga nanay na nagkukumahog sa pagbili ng almusal para sa mga anak nilang papasok sa eskwelahan. Ang iba ay hinahatid na ang mga anak patungo sa sakayan. Mayroon mga nanay na karga-karga pa ang anak. May mga bata ding nagtatakbuhan na ang iba ay walang salawal. May umiiyak at humahabol sa kapatid na aalis ng bahay. Ang mga kalalakihan naman ay nagmamadali na sa paglalakad. Nagpapainit ng motor ang iba at any time aalis na papunta sa kani-kaniyang trabaho. May mga mga grupo ng tsismosang nag-uumpukan na sa harap ng tindahan ni Aling Ynes. Hindi pa nag-aalmusal pero nagtsistismisan na. At si Mang Gerry na nagpaparenta ng videoke machine ay maagang nagpatugtog nang malakas ng kanyang mga favorite OPM songs. Si Mang Teban naman ay hinihimas- himas na ang kaniyang mga manok. Mukhang may ipanlalaban na naman siya sa sabong. At makikita mo rin na may grupo na din na nagbabasketball. At ang ilan sa mga ito ay ang mga kababata niya.

"Uy pare si Faye... ‘yong crush mo," tudyo ni Michael sa kaniyang kaibigan na si Lance habang sinisiko-siko nito ang kaibigan at tinuturo si Faye.

Nagkatiyawan din ang iba nilang kaibigan na si Dexter at Alvin. “Pare lapitan mo na, balita ko matagal na silang break ni Mark,” halos ipagtulakan ni Dexter si Lance para makalapit kay Faye.

“Oo nga naman pare,” dagdag naman ni Alvin. Namula si Lance at napahinto ito sa paglalaro ng basketball nang makita siya. Nahihiya talaga siya sa dalaga. Gustung-gusto niya talaga ito noon pa. Ilang ulit niyang niligawan ito pero lagi siyang basted dito.

Mga kaibigan ni Faye ang mga ito. Kalaro niya ang mga ito simula noong bata pa siya.

"Hi!" ang nakangiting sabi ni Faye. Saglit na natulala si Lance at tumugon din agad ng "Hi Faye!"

Naalala niya noong mga bata pa sila, minsang naglalaro sila ng habulan. Sa pagnanais niyang makaligtas sa pagkakataya ay mabilis siyang tumakbo at hindi napansin ang batong nakausli sa sementong kalsada. Nadapa siya dito dahilan para magdugo ang kaniyang tuhod. Kitang-kita niyang sumaklolo sa kaniya ang mga kaibigan. Pero ang pinakanag-alala sa lahat ay si Lance.

"Faye ok ka lang ba? Saan ang masakit? Kaya mo bang tumayo? Gusto mo dalin na kita sa malapit na clinic?" Natataranta ang tono nito at sunud- sunod ang pagtatanong na halatang kabadong-kabado sa mga pangyayari.

"Pare nadapa lang, ‘di pa naman ooperahan," pang-aasar ni Michael sabay tawa ng malakas. Lalong sumingkit ang mga mata nito habang tumatawa ito. Bilugan ang katawan nito at medyo chubby ang katawan. Half-Chinese , half Filipino si Michael. Nabuntis ang kaniyang ina ng isang negosyanteng Intsik at iniwan na ang kaniyang ina ng nalamang pinagbubuntis siya nito. Kahit na walang kinilalang ama, ay lumaking mabait pa rin ito, mahilig lang talagang mang-asar.

Si Lisa naman na isa rin sa kalaro nila ay iba ang naging tugon, “konting sugat lang naman ‘yan, makakatayo pa rin ‘yan.” Nakasimangot nitong sabi. Halatang nagseselos ito kapag nakikitang malapit si Lance sa kaniya.

"Okey lang ako, konting galos lang. Di ko kasi nakita ang nakausling bato,” sabay turo sa batong kinadapaan niya. Hinipo niya ang tuhod at nakita niyang may kaunting dugo na tumulo mula rito.

Nabigla siya nang biglang pinunit ni Lance ang ibabang bahagi ng puting T-shirt na suot nito. Nakita pa niyang nalantad ang abs nito. Kahit bata pa lamang ay maganda na ang katawan nito. Mahilig kasi ito sa sports kaya fit ang pangangatawan. Ang kapirasong tela ay tinali sa dumudugo niyang tuhod.

Nagtinginan ang magkakaibigan. "Ehem, ehem...sabi na nga ba malakas tama mo pare kay Faye." sabi ni Alvin, ang kaibigan nito bagama’t maitim ang kulay ng balat ay makikita mo pa rin na may taglay na itsura. Umirap si Lisa. Halatang inis na inis sa nakikita. Maganda rin naman ito. Maiksi ang buhok nito at may pagkatisay. Kaya lang ay may pagkasuplada. Kaya ilag ang mga lalaki na manligaw dito.

“Uyyy!” Muling narinig ang malakas na tuksuhan ng magkakaibigan na may halong tawanan. Binalewala naman ito ni Lance at muling tumuon sa dalaga.

"Ihahatid na kita sa inyo. Para magamot ang sugat mo" sabi ni Lance na nakaalalay na kay Faye para makatayo ito. Hinawakan niya si Faye at iniakbay ang kaliwang braso nito sa balikat niya.

"Salamat Lance.”

Alam na niya na bata pa lang sila ay may gusto na ito sa kaniya. Hindi man nito aminin ay makikita mo sa mga kilos nito na may espesyal itong pagtingin sa kaniya. Madalas siya nitong ilibre ng meryenda. Minsan chichirya o banana cue o kaya ay kahit anong tinapay sa bakery. Kapag sila ay naglalaro lagi itong nakaalalay na para bang natatakot na muli siyang masaktan. Kapag nasa isa silang umpukan na magkakaibigan, lagi nitong ibinibigay ang sarili nitong upuan para sa kaniya. At iba rin ang mga tingin nito. Para itong namamagnet sa kaniya. Malagkit itong tumingin at tuwing napapadako ang tingin niya dito. Nag-iiba agad ito direksyon ng tingin at nagkukunwaring parang walang nakita.

Natigil ang kaniyang pagbabalik sa nakaraan nang lumapit si Lance. Patakbo itong pumunta sa kinaroroonan niya habang hawak ang isang bola sa kanang kamay. Tumatagaktak ang mga pawis nito sa noo. Hinawi nito ang mahabang buhok na bahagyang tumatakip na sa kaniyang mga mata. Bagama't pawisan, ay pogi pa rin ito. Pareho silang 23 taong gulang. Malaki ang pangangatawan nito. Macho kumbaga. Matangkad. Nasa 5'11 ito. Siya ay nasa 5'4 lamang. Kayumanggi ang kulay. Matangos ang ilong. Bumagay sa kanya ang kaniyang nunal malapit sa ilong na lalong nagpaguwapo dito.

"Papasok ka na ba sa work Faye? Pwede ba akong dumalaw sa inyo mamayang pag-uwi mo?"

Alam na niya ang ibig sabihin nito. Ibig nitong manligaw muli sa kaniya. Ilang beses na niya itong nireject pero muli na naman siyang kinukulit nito.

Natigil silang dalawa sa pag-uusap nang sa ‘di kalayuan ay nagtatawag na si Mang Boy, ang barker ni Mang Ador na driver at may-ari ng jeep na paCubao na sinasakyan ni Faye. Tagatawag siya ng pasahero para mapuno ang jeep ni Mang Ador.

"O, lahat ng sasakay pa Cubao, pumila na dito. Malapit na kaming lumarga," malakas nitong sabi habang nagpapila na sa mga taong sasakay. Ang driver naman ng jeep ay nakasakay na at binuksan na ang makina. Hudyat na paalis na nga ito.

Sinadya niya nang magpaalam kay Lance. Hindi niya na rin nagawang sagutin ang tanong nito.

"Lance, pasensya na ha nagmamadali ako, baka malate na ako, bye." Naiwang kakamot- kamot sa ulo si Lance.

Mga bata lang sila noon. Sampung taong gulang pa lamang sila pero para sa mga kaibigan niya ay parang alam na ng mga ito ang kahulugan ng Pag-ibig. Para kay Faye, wala lang ito, isa lamang laro ito at isa lamang bahagi ng kanilang kabataan.

Lumipas ang panahon at naging labinlimang taong gulang na sila. Napansin niya na talagang seryoso ang pagtingin ni Lance sa kaniya. May isang beses na habang nagluluto siya ng Tinolang manok sa kanilang kusina. Mula sa bintana ay nakikita niyang panay ang silip ni Lance sa bahay nila. Nagtatago ito sa malaking puno ng mangga sa may gilid ng gate ng kanilang bahay. Nagkandahaba ang leeg nito sa pagsilip. Para bang sabik na sabik ito na palagi siyang makita. Minsan ay kusa siyang nagpapakita sa bintana at kunwaring walang nakita. Pero napapansin niyang ang binata ay tila kinikilig at ang luwang ng pagkakangiti. Kung minsan naman ay trip niya itong asarin. Pinagsasarahan niya ng bintana at makikita niya na yumuyuko ito, malungkot na para bang natalo sa paligsahan ng basketball.

Mabait naman si Lance. At halatang mahal na mahal siya nito. Pero ewan ba kung bakit ayaw ni Faye sa kaniya. Wala siyang maramdamang kakaiba. Kaibigan lang ang turing niya dito. Hanggang ‘dun lang. Wala siyang nararamdamang pagkagusto dito para maging boyfriend. Walang spark, walang kuryente. Walang kilig. Wala kahit ano.

Chapter 3

"Dalawa na lang, dalawa na lang, aalis na ang jeep." Malakas ang pagtawag ni Mang Boy. Naghihintay din ang mga pasahero na mapuno ang jeep. Abala ang mga ito sa mga ginagawa nila. May batang ngumunguya ng chewing gum. May estudyanteng paindak-indak, nakikinig ng music habang may suot na air pods sa magkabilang tenga. May isang lolang nakasaklay kasama ang kaniyang apo, mukhang papunta sa isang clinic para magpacheck up. May aleng kandong ang tatlong taong gulang na anak habang pinatatahan ito sa pag-iyak. Ang iba naman ay grupo ng kababaihan na abala sa pagkukwentuhan. May isa ding medyo may edad ng lalaki na natutulog, mukhang puyat o may hang-over sa kalasingan kagabi. Sari- sari ang mga pasahero sa jeep. Iba- iba ang kwento. Iba- iba ang mga problema sa buhay. Pero ang lahat sa araw na iyon ay may iisang hangarin. Ang makarating sa Cubao. Sumakay na ang isang ale na may dalang bayong. Isa na lang at aalis na.

"Isa na lang, sakay na, bilisan nyo, aalis na kami. Cubao, Cubao!” Muling nagtawag si Mang Boy. May isang lalaki ang lumapit kay Mang Ador, ang drayber ng jeep, tila may sinabi ito at pumasok na sa loob. Naupo ito sa tapat ni Faye.

Umalis na ang jeep.

Habang nagbibiyahe sila ay napansin ni Faye na nakatingin sa kaniya ang lalaking nasa tapat niya. Malahigante ito sa paningin niya dahil sa tangkad nito na sa estimate niya ay nasa 6'3 ang taas. Maamo ang mukha nito. Mestiso. May katamtamang tangos ng ilong. Makapal nang kaunti ang kilay na bumagay sa mga mata nitong nangungusap. Mamula-mula ang mga labi na mukhang natural. Nakasuot ito ng asul na long sleeves na nakatucked in sa kulay khaki na pantalon. Nakarubber shoes ito na white. Ang cool ng dating niya. Parang ang bango-bango. Ngumiti ito nang marahan sa kaniya na ikinakunot ng noo ni Faye.

"Bakit ngingiti- ngiti ang lalaking ito sa akin? Di ko naman siya kilala," usal ni Faye sa sarili. Hindi matigil sa pagngiti ang lalaki at tumititig pa talaga sa kaniya.

Kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ni Faye. "Manyakis ba ang lalaking ito at gusto akong halayin? O holdaper kaya ito? Ang pogi namang holdaper nito." Naiisip niya ito pero may nararamdaman siyang kilig na hindi niya maintindihan.

Hindi magkandatuto si Faye sa ngiting iyon ng kaharap. "Bakit kasi ang ganda ng ngiti niya at bakit parang apektado ako. Naconscious akong bigla. Pero bakit kumakabog ang dibdib ko? ‘Yung mga titig niya, parang matutunaw ako? Ano ba itong nararamdaman ko?" Bulong ni Faye sa sarili, habang ramdam na ramdam na niya na nag-iinit na ang mga pisngi niya. Siguradong pulang-pula na siya sa harapan nito.

Para ding napapaso na ang puwitan niya sa pagkakaupo. Hindi siya mapakali. Mabuti nga at hindi nagrereklamo ang katabi niyang babae dahil ang likot-likot niya sa pagkakaupo. "Help!" Gusto niyang sumigaw. Pero ‘di niya magawa. Nalilito ang isip niya. Sisigaw ba siya dahil natatakot siya o sisigaw siya para mawala ang malakas na kabog ng dibdib niya?

Binaling ni Faye ang paningin sa labas. At sa mga sasakyan sa labas niya itinuon ang atensyon. Nagbalik sa alaala niya ang ‘di niya malilimutang karanasan sa jeep na iyon.

"Sakay na, sakay na. Kapag single, kapit lang sa hawakan at maupo lang ng seksi. Kapag may jowa kapit kay mahal at upong pangcouple. Pwedeng magkiss at magyakapan pero 'wag kalimutang magbayad." Pabiro ang pagsasalita ni Mang Boy pero parang nasasaktan si Faye. Nabanggit kasi nito ang mga salitang 'mahal,' 'couple,' 'kiss,' 'yakap,' mga salitang ayaw niya muna sanang marinig sa ngayon. Ilang araw pa lang ang lumilipas mula ng magbreak sila ng boyfriend niyang si Mark. Pinilit lang niyang pumasok sa trabaho dahil sa kaniyang lola. Hangga't maaari ayaw niyang nakakakita ng sweet couple o kaya makakarinig ng mga sweet messages. Galit pa din siya kay Mark. Nandoon pa din ang sakit sa dibdib niya dahil sa ginawa nitong biglang pag-iwan sa kaniya. Hindi na siya kinausap nito mula noon. Tinawagan niya ito ng maraming beses, panay ring lang at walang Mark na sumagot. Nagtext siya dito ng halos isang daang beses, pero walang naging tugon ang lalaki. Hindi na talaga ito nagparamdam sa kaniya.

Napalingon si Faye sa paligid niya. Nagtaka siya bakit yata lahat ng sumasakay sa jeep na iyon ay puro magjowa. At may dala pang bulaklak ang iba. ‘yong iba naman ay may dalang teddy bear at chocolate. Mga magkaakbay pa. Ang iba naman ay halos m********n na sa harap niya. Ano bang meron? Tiningnan niya ang celphone nya. Nagulat siya sa nakita.

"OMG! February 14 pala ngayon! Bakit kasi may pasok ngayon at hindi na lang ginawang holiday ang araw na ito. Papatayin ba nila ko sa inggit?! May pinagdadaanan ako. Hello! Alam nyo bang kabebreak lang namin ng boyfriend ko?!"

Huli na para humanap pa siya ng ibang masasakyan at baka ganun din naman ang mga pasaherong sakay. Nayayamot man ay sumakay na rin ng jeep si Faye.

Sa tabi ni Faye ay may nagyayakapan. Sa harap naman niya ay mga naghahalikan. Gusto na niyang bumaba kaso sigurado na mahihirapan siyang sumakay. Medyo traffic pa dahil siguro sa mga magkasintahang magdedate sa araw na ‘yon. Ang drayber na si Mang Ador mahilig talaga sa music. Pero para bang nang-iinis ito ay nagpatugtog pa talaga ng kantang 'How do you heal a broken heart.' Hiwalay sa asawa si Mang Ador. Sumama ang asawa nito sa ibang lalaki na may kaya sa buhay. Kasama na lang niya sa bahay ang nag-iisa niyang anak na si Myrna na graduating na sa Junior High School.

Nagsimulang tumugtog ang awitin.

How do you heal a broken heart…

"Sana ilipat na ni Mang Ador sa ibang station ang radyo. Baka bumaha ng luha dito." Naidasal ni Faye sa sarili. Kinakabahan siya. Hindi pa niya kayang pigilan ang emosyon niya dahil bago pa lamang ang sugat sa puso niya. Nilipat nga ni Mang Ador sa ibang station ang radyo. Pero ang sumunod na tinugtog naman sa kabilang station ay 'How did you know,' ang theme song nila ni Mark.

Tumugtog ang awitin…

My life started to change. I'd wake up each day feeling alright, with you right by my side…

Makes me feel things will work out just fine…

Nakaramdam ng kirot sa dibdib ang dalaga. Sa kalagitnaan ng awitin ay tuluyan nang tumulo ang luha ni Faye sa magkabila niyang pisngi. Tuluy-tuloy ang pag-agos nito. Walang tigil. At walang tigil din siya sa kakapunas ng tissue sa mga mata niya.

Sumunod naman na awitin na tinugtog ay ang Through the Years.

Lalo siyang naiyak sa kantang ito. Ito kasi ang kanta nila ni Mark nang nagsisimula pa lang sila na magkarelasyon. Ipinangako nila sa isa't isa na hindi sila maghihiwalay. Na sa huli sila ang magkakatuluyan. Si Mark ang naging sandalan niya sa mga oras na may problema siya. Ito ang palaging nagpapangiti at nagpapahinahon sa kaniya. Pero ngayon, lahat ng pangako nito ay parang bulang naglaho.

“Ang sakit- sakit! Ah! Tama na!” Tila piping bulong ni Faye sa sarili. Iyak siya ng iyak na may kasama ng paghikbi. Bumaba na ang dalawang magkasintahang katabi ni Faye. May isang matangkad na lalaking sumakay. Sa tabi niya ito naupo. Walang pakialam si Faye. Sa isip niya ‘di niya mapipigilan ang sakit, kailangan niya itong ilabas sa pamamagitan ng pag-iyak. Wala na rin siyang pakialam kung sa loob man ‘yon ng jeep at pagtinginan siya ng mga tao. Tinotorture siya ng mga awiting pinatutugtog ni Mang Ador. Patuloy sa pag iyak si Faye. Nagsimula na ring magbulungan ang mga tao sa loob ng jeep. Alam niya ang lahat ng mga pasahero sa jeep ay nakatingin na sa kaniya. Kahit ang katabi niya ay ramdam niyang pinagmamasdan na rin siya nito. May isang babaeng naglakas-loob at tinanong na siya.

"Miss okey ka lang ba?" may pag-aalalang tanong nito sa kaniya.

Umiling lang si Faye at muling umiyak. Masikip ang dibdib niya. Gusto lang talaga niyang umiyak ng umiyak. Hindi na niya namalayan naubos na pala ang tissue paper niya. Hanggang naramdaman na lang niya na may nag-aabot ng puting panyo sa kaniya. Ito ay walang iba, kundi ang katabi niyang matangkad na lalaki. Hilam na sa luha si Faye kaya ‘di na niya maaaninagan ang mukha nito. Kinuha niya ang panyo dito at tinakpan ang buo niyang mukha. Kasabay ng pagluha niya ay ang biglang pagbuhos naman ng malakas na ulan.

Naririnig pa niya ang mga sinasabi ng mga pasahero.

"Kawawa naman ‘yong babae, mukhang may malaki siyang problema."

"Baka naghiwalay sila ng boyfriend niya, Valentine's day pa naman ngayon.”

"Miss tatagan mo ang loob mo, makakatagpo ka rin ng para sayo."

"Tahan na..." mahina pero buo ang boses ng lalaking nagsalita. Alam niya ang boses na iyon ay galing sa lalaking katabi niya. Bahagya niyang inaangat ang panyo at napatingin sa baba. Nakita niyang nakasuot ito ng itim na leather shoes. ‘yong uri ng sapatos na hindi mo mabibili sa kung saan lang. Mukhang mamahaling klase ng leather na makikita mong nakadisplay sa mga mamahaling tindahan ng isang shopping mall. Katulad sa sapatos na sinusuot ng boss niya sa Willdon. Hindi na nagawa pang mag-angat ng tingin ni Faye para makita ang katabi. Nahihiya siya hindi lamang sa lalaking ito kundi sa lahat ng pasahero sa jeep. Para na kasing bombang sasabog ang kaniyang dibdib. Alam niyang malakas ang ulan pero nais na niyang mawala sa jeep na iyon. Pakiramdam niya para na siyang lulubog sa kahihiyan sa ginagawa niyang pag-iyak. Sinilid niya ang puting panyo sa loob ng bag. Hindi na niya nagawang magpasalamat sa lalaking iyon.

"Para--!” malakas na sigaw ni Faye. Huminto ang sasakyan. Mabilis na bumaba si Faye. At sa gitna ng kalsada ay tumakbo siya. Tumakbo siya ng umiiyak. Maraming sasakyan at ang lakas ng ulan. Pinilit niya pa ring tumakbo ng mabilis pero ‘di niya magawa dahil baha na sa kalsada dulot ng ulan. Basang-basa na siya. Basa na pati bag niya. Hilam sa luha at babad na ang mga binti at mga paa niya sa baha. Parang isang eksena sa pelikula ang nangyayari sa kanya na naghihintay lang siya na isigaw ng director ang 'cut,' para magbalik sa normal ang lahat. Lakad dito, lakad doon. Hindi niya alam ang patutunguhan. Palinga-linga siya. Nahihilo na siya. Napagawi siya sa bandang kaliwa habang may parating na isang jeep. Mabuti na lang at mabilis ang drayber at nakabig pakanan ang sasakyan dahil muntik na siyang mahagip nito.

"Oy miss, magpapakamatay ka ba?" Sinigawan siya ng drayber ng jeep na muntik ng makabunggo sa kaniya.

Unti-unti, nagdidilim ang paningin niya. Parang mahihimatay siya. Pero bago pa man siya tuluyang mawalan ng ulirat ay may mga malalakas na bisig na sumalo sa kaniya. Bago pa niya naipikit ang mga mata ay nakita niya pa ang itim na leather shoes nito na katulad sa itim na leather shoes ng katabi niya sa jeep kanina. Hindi kaya ang lalaking iyon sa jeep na nagbigay ng panyo sa kanya at ang lalaking ito na sumalo sa kaniya ay iisa? Hanggang sa tuluyan nang nawalan ng malay si Faye.

Comments (3)
goodnovel comment avatar
Edgar Ortega
lovely plot
goodnovel comment avatar
Charmy Yu
nice story..
goodnovel comment avatar
Kyma Payson
NICE STORY
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

  • Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )   Chapter 4

    Nagising si Faye na parang naalimpungatan. Kulay puti ang paligid. Kulay puti ang kisame maging ang mga dingding. May mga kurtinang asul na nakatabing sa bawat gilid ng kama. Nakahiga siya sa isang hospital bed at may dextrose na nakakabit sa kanang kamay niya. May nakatalikod na nurse na babae na nag-aayos ng dextrose bag niya. Lumingon siya sa gawing kaliwa niya. Nakita niyang busy ang ibang mga doktor at nurse sa pag-aasikaso sa ibang pasyente. Nasa emergency area siya ng ospital. “Bakit ako nandito?” Nagtatakang tanong ni Faye sa sarili. Pagharap ng nurse ay ngumiti ito sa kaniya. “Ma’am gising na po pala kayo,” masayang bati nito sa dalaga. “Umalis na po ‘yung nagdala sa inyong pogi at matangkad na lalaki. Grabe ma’am ha sobrang nag-alala sa inyo ang boyfriend niyo at bago siya umalis siniguro niyang okey na kayo.” Nakangiti ito habang nagsasalita. “At ‘yun pong lalaking iyon ang pumalit na nagbantay sa inyo. Pogi rin ma’am ha.” Itinuro nito si Lance na kausap ng doktor sa ‘di

    Last Updated : 2023-04-10
  • Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )   Chapter 5

    Hingal na hingal na pumasok sa loob ng opisina si Faye. Nagmamadali siyang makarating on time. Pero nahuli pa rin siya ng tatlumpung minuto. Dinatnan niya si Beth na naglalagay ng eye mascara. “Girl! Dumating ka din sa wakas!” Masayang bati ng kaibigan niyang si Beth sa kaniya. Tumigil ito sa ginagawang paglalagay ng eye mascara. Kinuha nito ang brush at nagsuklay habang nakatingin sa maliit na salamin sa ibabaw ng mesa nito. “Hinahap ka ulit ni Sir. Sabi niya need mo na raw tapusin ‘yan.” Tinuro nito ang tambak na mga folder sa table niya. Matipid siyang ngumiti sa kaibigan. Tiningnan niya ang mga folder. Ito ang mga kailangan niyang gawan ng sales report. Agad na siyang umupo para simulan ang trabaho. Sales Executive siya ng kompanya at the same time ay Executive Secretary ng kanilang Manager na si Mr. Montecillo ng Sales Department habang si Beth naman ay isang Sales Staff. Kasama niya ang kaibigan sa opisina ng boss niya. Hiniling ni Faye sa kaniyang manager na kung maari ay ma

    Last Updated : 2023-05-01

Latest chapter

  • Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )   Chapter 5

    Hingal na hingal na pumasok sa loob ng opisina si Faye. Nagmamadali siyang makarating on time. Pero nahuli pa rin siya ng tatlumpung minuto. Dinatnan niya si Beth na naglalagay ng eye mascara. “Girl! Dumating ka din sa wakas!” Masayang bati ng kaibigan niyang si Beth sa kaniya. Tumigil ito sa ginagawang paglalagay ng eye mascara. Kinuha nito ang brush at nagsuklay habang nakatingin sa maliit na salamin sa ibabaw ng mesa nito. “Hinahap ka ulit ni Sir. Sabi niya need mo na raw tapusin ‘yan.” Tinuro nito ang tambak na mga folder sa table niya. Matipid siyang ngumiti sa kaibigan. Tiningnan niya ang mga folder. Ito ang mga kailangan niyang gawan ng sales report. Agad na siyang umupo para simulan ang trabaho. Sales Executive siya ng kompanya at the same time ay Executive Secretary ng kanilang Manager na si Mr. Montecillo ng Sales Department habang si Beth naman ay isang Sales Staff. Kasama niya ang kaibigan sa opisina ng boss niya. Hiniling ni Faye sa kaniyang manager na kung maari ay ma

  • Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )   Chapter 4

    Nagising si Faye na parang naalimpungatan. Kulay puti ang paligid. Kulay puti ang kisame maging ang mga dingding. May mga kurtinang asul na nakatabing sa bawat gilid ng kama. Nakahiga siya sa isang hospital bed at may dextrose na nakakabit sa kanang kamay niya. May nakatalikod na nurse na babae na nag-aayos ng dextrose bag niya. Lumingon siya sa gawing kaliwa niya. Nakita niyang busy ang ibang mga doktor at nurse sa pag-aasikaso sa ibang pasyente. Nasa emergency area siya ng ospital. “Bakit ako nandito?” Nagtatakang tanong ni Faye sa sarili. Pagharap ng nurse ay ngumiti ito sa kaniya. “Ma’am gising na po pala kayo,” masayang bati nito sa dalaga. “Umalis na po ‘yung nagdala sa inyong pogi at matangkad na lalaki. Grabe ma’am ha sobrang nag-alala sa inyo ang boyfriend niyo at bago siya umalis siniguro niyang okey na kayo.” Nakangiti ito habang nagsasalita. “At ‘yun pong lalaking iyon ang pumalit na nagbantay sa inyo. Pogi rin ma’am ha.” Itinuro nito si Lance na kausap ng doktor sa ‘di

  • Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him )   Captivating Mr. Mysterious ( She’s Into Him)

    Presilda AmoreChapter 1There are times when I just want to look at your face… With the stars in the night. There are times when I just want to feel your embrace…In the cold night… Habang tumutugtog ang Forevermore ng Side A sa radyo ay kasabay naman nito ang hindi matigil na pag-agos ng luha ni Faye sa magkabila niyang pisngi. Kanina pa siya nakatayo sa bintana ng kwarto niya, nakadungaw sa labas na tila may hinihintay. Gulo-gulo ang buhok, blangko ang mukha, walang ganang kumilos, humpak ang mga pisngi at nangangalumata. Mabaho na din ang amoy niya dahil ilang araw na siyang hindi naliligo. Hindi pa siya lumalabas ng kwarto, may dalawang araw na. "Faye, ano ka bang bata ka kanina pa ko tawag ng tawag sayo. Sinabi ko ng bumaba ka na dito at kumain." Tinatawag na siya ng kanyang lola pero hindi niya napapansin ito dahil malalim ang kanyang iniisip. Naglalaro sa gunita niya ang mga nangyari sa kanila ng kaniyang ex-boyfriend na si Mark. Masayang-masaya siya ng araw na iyon dahil i

DMCA.com Protection Status