Share

Chapter 1

Isang malamig na gabi sa kagitnaan ng taon, tahimik na naglakad si Marcuz Jacob Villafuerte papasok sa galeriya, suot ang isang eleganteng itim na suit na lalong nagbigay ng awtoridad sa kanyang tindig. Palibhasa’y CEO ng isang malaking kompanya, sanay na sanay na siya sa mga ganitong okasyon. Ngunit ngayong gabi, kakaibang damdamin ang dala niya—may bigat ang bawat hakbang niya sa marmol na sahig ng galeriya.

Ang kanyang isip ay puno ng alaala ng kanyang yumaong asawa, si Nina. Ang bawat sulok ng galeriya, ang bango ng mamahaling pabango ng mga dumadalo, at ang mga sining na nakasabit sa pader, lahat ng ito ay may bakas ng kanyang nakaraan.

Habang tumatagal, nararamdaman niyang unti-unting bumabalik ang sakit na inakala niyang natutunan na niyang kalimutan. Ilang taon na rin ang lumipas simula nang pumanaw si Nina, ngunit hindi kailanman nawala ang espasyo nito sa puso niya. Hindi niya maiwasang maramdaman ang kawalan nito, lalo na ngayong nag-iisa siyang dumalo sa isang event na tulad nito.

Sa pag-ikot niya sa mga obra na nakasabit sa pader, biglang nahuli ng kanyang mata ang isang babae sa hindi kalayuan. Tumigil siya sa paglakad, natigilan, at halos nakalimutan niyang huminga.

Ang babae, na abala sa pag-aayos ng isang painting sa sulok ng galeriya, ay may kakaibang dating—simple lang ito pero napakahusay dalhin ang sarili. May kung anong pamilyar sa mukha nito.

“Hindi maaari…” bulong niya sa sarili na halos pabulong na.

Tumibok nang mabilis ang puso niya, at hindi niya maiwasang maglakad palapit, hinihigop ng misteryo ng presensya ng babae.

Habang lumalapit, lalong nagiging malinaw ang mukha nito—ang hugis ng mga mata, at ang mga ngiti.

Si Lennah Jane Reyes, ang babae sa galeriya, ay napansin ang papalapit na presensya ng isang lalaki. Agad niyang naramdaman ang bigat ng mga mata nito na para bang sinisipat siya. Bahagya siyang nagulat at napatigil, iniisip kung ano ang dahilan ng kakaibang atensyon ng estrangherong ito.

Sanay si Lennah sa mga dumadaang kliyente at bisita sa galeriya, ngunit hindi siya sanay sa ganoong klaseng pagtingin. Mataas at may awtoridad ang tindig ng lalaki. Bagay na lalong nagpatindi ng tensyon sa pagitan nila.

Iniwas ni Lennah ang tingin at nagpatuloy sa pag-aayos ng mga pintura.

Naisip niya, baka isang mayamang kolektor lang ito na nagpapakitang-gilas. Ayaw niyang magpaapekto, lalo na’t nandito lang siya para sa trabaho—isang part-time na trabahong tumutulong sa kanyang makaraos sa mga gastusin at renta.

Ngunit kahit pilit niyang iwasan ang lalaki, hindi maikakailang nakikilala niya rin ang kakaibang tensyon. Para bang may kuryenteng dumadaloy sa pagitan nila, isang hindi maipaliwanag na koneksyon.

Nang hindi na makatiis, bahagya siyang lumingon. Nakita niyang nakatayo pa rin ito, ang mga mata’y hindi na naalis sa kanya.

Naglakad si Marcuz palapit kay Lennah at tumigil sa harap nito.

“Pasensya na kung nakatitig ako,” sabi ni Marcuz. Ang boses niya ay mababa at may halong panginginig. “Hindi ko lang maiwasan. Parang… parang nakita na kita noon.”

Si Lennah, bagamat naramdaman ang kabog sa kanyang dibdib, ay pilit na ngumiti.

“Maraming salamat po, sir, pero sigurado akong hindi pa tayo nagkikita,” sagot niya habang tinutulungan ang sarili na manatiling kalmado.

Ngunit sa likod ng kanyang ngiti, may takot na baka hindi ito karaniwang bisita. Napansin niyang ang tindig ng lalaki, malakas ang dating.

“Nagkakamali ka. Parang…” Napahinto si Marcuz, nag-aalangan kung dapat bang ituloy ang sasabihin.

Sa kanyang isip, naiisip niyang baka mali nga ang kanyang mga hinala. Ngunit hindi niya matanggal ang pakiramdam na ang babae sa kanyang harapan ay parang isang bahagi ng kanyang nakaraan.

“Mukhang may hinahanap kayo, sir,” sabi ni Lennah at iniiwasang magtama ang mga mata nila.

Tumango si Marcuz, iniisip kung paano ipapaliwanag ang kanyang nararamdaman.

“Oo, may hinahanap ako. O baka, hindi ko alam kung ano talaga ang hinahanap ko.”

Ang sagot na iyon ay galing sa kanyang puso, isang bagay na ni hindi niya malaman hanggang sa mga sandaling ito. Nagpalitan ng tingin ang dalawa. May usok ng tensyon sa pagitan nila na walang gustong sumira.

“Ako si Marcuz Villafuerte,” sabi niya, inaabot ang kamay kay Lennah. “Nandito ako dahil… isa ang kompanya ko sa mga sponsor ng event na ito.”

Napatango si Lennah, ngayon lamang naramdaman ang bigat ng pangalan ng lalaki. Marcuz Villafuerte. Narinig na niya ito—ang matagumpay at maimpluwensiyang CEO na may pormal at mabagsik na personalidad.

Hindi niya maiwasang makaramdam ng kaba. Ngunit ipinakita niyang kalmado siya at magalang na nakipagkamay.

“Lennah Reyes, sir. Isa lang akong part-time assistant dito sa gallery,” sabi niya nang may simpleng ngiti.

Sa likod ng ngiting iyon ay may kaba. Ang lalaki sa kanyang harapan ay may presensiyang hindi basta-basta. Malalim at puno ng misteryo.

Hindi niya maintindihan ang sariling damdamin. Parang may koneksyon sila na hindi niya maipaliwanag. Isang koneksyon na hindi niya alam kung takot ba o duda.

Hindi niya akalaing magagawang muling makaramdam ng ganito, Nagising sa simpleng pakikipagkamay. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matakot o matuwa sa nararamdaman.

Binitiwan niya ang kamay ni Lennah at bahagyang ngumiti.

“Madalas ka bang nandito, Lennah?” tanong niya.

“Tuwing may exhibit po,” sagot ni Lennah.

Alam niyang hindi dapat siya gaanong makisali sa personal na interes ng kliyente. Ngunit may parte sa kanyang nais makilala ang lalaking ito. Sa kabila ng posisyon at kasikatan ni Marcuz, may bigat na dala ang kanyang puso na nais niyang maintindihan.

“Siguro’y magkikita tayo ulit,” sabi ni Marcuz, at hindi niya na naitagong may halong pag-asa ang boses niya. “Marahil, may ibig sabihin ang pagkikita natin.”

Hindi agad nakasagot si Lennah. Pinili na lang niyang ngumiti, hindi alam kung ano ang susunod na sasabihin. Ngunit ang isang bagay ay sigurado.

May bahagi sa kanyang kalooban na nagsasabing ang gabing iyon ay hindi simpleng pagkikita lang ng isang kliyente at isang assistant.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status