"Plano mo akong takasan, no?" Nilingon ko si Craig. Nakasunod na pala siya agad sa akin. Hindi ko pa nakikita kung maayos ba ang loob ng aming barong-barong. Napatingin naman sa amin ang dalawang matanda. Namilog ang mga mata nang pekeng manghuhula. Si Inay naman ay namamanghang nakatingin sa lalakeng nakatayo sa likod ko. Mayroon itong hawak na supot ng yelo at sa isang kamay ay isang bote ng coke. "Ah, aalis na ako..." Mabilis na nakaalis ang huwad na manghuhula. Napangiti naman si Inay. Nakabawi na siya sa pagkagulat. "Oh, Anak. May kasama ka palang bisita." Tumikhim si Craig. Nauna na siyang humakbang at pumasok sa loob ng bahay. Hindi man lang hinintay na sabihan siya na puwede siyang pumasok. "Kumusta po, Inay?" Napanganga ako. Ano? Inay? Natuwa naman si Inay sa kaniya. Kung marunong lang siguro magmano ang lalake baka ginawa na din niya. Bahagya siyang yumukod sa harapan ni Inay. Siguro bilang paggalang. Mas lalo pang natuwa si Inay sa kaniya. "Maayos naman,
Iniba niya iyong palabas, saka dahan-dahan na naupo sa kama, habang hawak ang kaniyang tiyan. Napaungol pa siya nang makaupo siya. "Masakit pa?" tanong ko naman. Hindi ako dapat mabait sa kaniya, pero hindi ko naman maiwasang makaramdam ng awa lalo sa sitwasyon niya. Kung bakit kasi ang kulit niya? Sumama pa kasi siya sa bahay at pinilit kumain sa mga pagkain na hindi naman niya nakasanayan. "Nanghihina ako..."Kita ko na bahagyang nanginginig ang kaniyang mga binti. "Mahiga ka na muna. Magpahinga ka," bilin ko naman. "Mamaya, tatalab na din iyong gamot na ininom mo.""Okay..." Mahina ang kaniyang boses. "Masakit kapag gumalaw ako," nakangiwi niyang sabi. "Eh, di, huwag ka kasing gumalaw," sabi ko naman. "May tubig pa?"Inabot ko sa kaniya iyong isang bote ng mineral. Binilhan ko siya ng tatlong bote na tag-kalahating litro. Ako na ang nagbukas dahil nanginginig din pala ang mga kamay niya. "Kung magpa-ospital ka na lang kaya," sabi ko sa kaniya. "No. I'm fine."Eh, hinang
Nakalabas na kami ng ospital. Sa bahay na ako nina Ate Rose dumiretso. Si Craig naman ay sa bahay ng mga magulang inuwi. Ayaw pa sana niyang pumayag pero pinilit siya ng kaniyang Mommy. "Thank you, Ate Rose. Iyong nagastos sa ospital—" Hinawakan niya ang aking kamay. "Huwag mo ng alalahanin pa iyon. Magpahinga ka na muna."Pinasama na din nila dito sina Amang at Inay para alam nila kung saan ako nagtatrabaho. Para alam din nila kung saan ako pupuntahan kung sakali. "Sa labas lang po ako, Amang, Inay. Sumunod na lang po kayo mamaya."Naiwan sina Amang at Inay dito sa kuwarto ko. Naalala ko naman iyong pera na pinagbentahan ko. Hindi ko na ito naiangkat ng panibagong paninda dahil sa nangyari. Ang malas talaga. Nilabas ko iyong pera at inabot kay Inay. "Heto po iyong puhunan. Kayo na lang po ang bahala.""Huwag mo na muna kaming alalahanin. Dito ka na lang muna. Kaya naman na namin ng Amang mo doon.""Isa pa po sa dahilan kung bakit po ako umuwi ay dahil po sa orasyon."Napailing
Gumawa ako ng sulat para kay Marko. Ngayon, kailangan ko itong ibigay sa kaniya. Kaso parang hindi ko kayang iabot sa kaniya ng harapan. Nakakahiya. "Naku, Anne. Ang problemahin mo muna ngayon ay ang sulat kamay mo. Para itong hinalukay ng manok, e," bulong ko habang problemado na nakatingin sa sulat ko. Sa pad paper ako nagsulat pero naisip ko na mas maganda siguro kung dito sa bond paper na lang. Hindi naman ako estudyante para itong pad paper na mayroon pang pulang guhit ang gamitin kong sulatan ng love letter para kay Marko. Pero nang subukan ko, nadagdagan lang ang pagkayamot ko. Pababa, pataas at akala mo dagat dahil paalon-alon. Ilang oras ang nilaan ko pero hindi talaga magandang tingnan. Hindi ko na lang hinabaan ang sulat ko para hindi ako mahirapan. Mas maganda kung huwag ng magpaligoy-ligoy pa. Baka mawalan lang ng interes si Marko ba basahin ang sulat ko. "Marko unang beses pa lang kitang makita crush na kita. Sana magustuhan mo din ako."Napangisi ako. Okay na to.
"Maupo ka," utos niya. Hindi pa din niya binababa ang isang kilay niya na nakataas. Nag-iwas ako ng tingin bago dahan-dahang naupo sa upuan na nasa tabi niya. Hiyang-hiya ako at gusto ko na lang na magkulong sa kuwarto pero kailangan kong makuha sa kaniya iyong sulat. Nagsimula na siyang kumain. Nakanguso naman ako habang pinaglalaruan ko ang aking mga daliri. Nanlalamig ang pakiramdam ko. "Magkuwento ka." Tumaas ang kabilang sulok ng kaniyang labi. Para bang nang-aasar siya. Umiling ako. Sinubukan kong kunin iyong sulat sa gilid niya pero pinitik niya ang kamay ko. "Aray!" reklamo ko pero nagpatay malisya lang siya. "Bakit pati brief idadamay mo, ha? Bukod sa pagsinghot-singhot, ano pa ang ginawa mo doon?"Namula ang aking buong mukha. Napayuko na ako. Hindi ako basta tumitiklop dito kay Craig pero nagagawa niya akong mapatiklop ngayon sa hiya. Hindi naman sana ako mahihiya sa kaniya ng ganito ngayon kahit nabuking man niya ako sa brief, e, kung kay Marko ang brief na iyon. M
"Mamayang gabi," paalala ni Craig sa akin bago siya umalis. Tumango naman ako bago ko sinimulang ligpitin ang mga pinagkainan namin. Sana nga lang at matulungan ako ni Craig, dahil kung pumalpak siya sa pagtuturo sa akin, gabi-gabihin ko siyang ipagsisindi ng kandilang itim. MABILISAN lang iyong ginawang make up ni Ate ngayon. Mag-j-judge daw ng singing contest ang babae, at gusto niyang maganda ang kaniyang make up. Nakakamangha sa galing si Ate Rose. Ag galing ng kaniyang kamay. "Mahilig lang akong manood noon ng mga vlogs, tapos nagpa-praktis akong mag-make up. May kaunting training din ako noon, dahil nag-work ako sa mall. Kung interesado ka sa make up, tuturuan kita."Hindi pa kami uuwi. Kakain kami sa labas ngayon. Gusto daw niyang kumain ng masarap ngayon. Tumawag siya kay Kuya Ethan nang makarating kami sa restaurant, upang sabihin na lumabas kami. Walang kaalam-alam si Kuya Ethan na may ginawa na namang kasalanan ang kaniyang asawa. Hindi naman matinding kasalanan, sinu
Mapahdi pa ang mga mata ko ngunit kailangan kong piliting bumangon upang makapaghanda na ng almusal. Hindi puwedeng mahalata nina Ate Rose na puyat ako kaya kailangan kong magpanggap. Ano'ng oras na ako nakaakyat kagabi. Mag-a-alas onse na, pero hindi pa ako agad nakatulog. Gaya ng sinabi ni Craig, kailangan kong mag-practice kung paano tumitig ng nakakaakit. Sinubukan ko ulit iyong titig na nakakaakit sa salamin. Mukha lang akong tanga. Nakapagluto na ako nang lumabas sa kanilang silid ang mag-asawa. Humigop lang si Kuya Ethan ng kape. Hindi siya kumain. Kami lang ulit ni Ate ang magsasalo. "Himala at hindi umakyat si Craig dito ngayon para kumain," sabi ni Ate. Hindi naman ako umimik. May bigla kasing pumasok sa aking isipan pero agad ko din iyon binalewala. Bandang tanghali, dumating si Marko. Mukhang galing na siya ng trabaho. Nakasuot siya ng kaniyang pang-opisina na damit ngunit ang buhok ay bahagyang magulo. Iisipin mong may sumabunot sa kaniya. "Ano'ng pagkain?" tanong
Pakiramdam ko may nagbago agad sa mukha ko dahil sa produkto na ginamit ko kagabi. Siguro kung sisipagan ko ang paggamit ng mga ito ay gaganda pa ako ng husto. Naligo na muna ako para makapagpahid na ulit ako ng mga produkto na binigay ni Craig sa akin. Bago ako matulog kagabi ay nagpahid ako. At heto nga, parang maganda nga ang mga ito sa aking balat. "Good morning, Anne..." Nilingon ko si Kuya. Nasa kusina na siya at nagkakape. Alas-sais y media pa lang pero gising na siya at handa ng pumasok sa trabaho. Nakakahiya at nauna pa siyang bumangon sa akin. Siya na din ang nagtimpla ng kaniyang kape. "Good morning, Kuya. Naku, Kuya pasensya ka na at late akong bumangon.""Maaga lang talaga ako ngayon. Ayos lang iyon. At saka alam kong puyat ka."Ha? Ngumisi siya. "Paano, aalis na ako. Ikaw na muna ang bahala dito. Si Ate Rose mo, ha. Bantayan mo. Madalas ng sumakit ang balakang, e. Tawagan mo ako kapag may nangyari."Tumango-tango ako. Pero paano ko siya tatawagan? Hindi ko naman ala
"Maupo ka muna, Meong..." utos ko sa lalake. Aayusin ko muna ang mga damit nina Inay at Amang na dadalhin ko. Mabait itong si Meong at sa lahat ng mga nanliligaw sa akin, siya din ang pinakaguwapo. Nag-aaral din ito. Teacher siya. Tahimik si Craig habang nakasandal sa dingding. Nakasuksok ang ilang daliri sa bulsa ng maong niyang pantalon. Walang imik, sobrang seryoso at napakaangas. "Nagpunta ako nang isang gabi dito, pero sabi nga ng kapitbahay niyo na nasa hospital daw kayo," sabi ni Meong. "Ah, oo... Nahirapang huminga si Inay, kaya sinugod namin sa hospital.""Okay naman na siya?" "Oo. Awa ng Diyos, ayos naman na siya."Parang kami lang ni Meong ang tao dito sa bahay. "Buti at lumipat na kayo ng inuupahan, Anne. Mas okay dito kaysa doon sa dati.""Oo nga, e. Komportable sina Amang at Inay dito.""Babalik ka pa ba sa trabaho mo?""Oo.""Akala ko hindi na. Kaya ka nagtindahan.""Hindi ako puwedeng umalis doon." Malaki ang utang na kailangan kong bayaran. "Isa din pala sa dah
Nilipat ni Craig sa ibang kuwarto si Inay, para daw komportable ito habang nagpapagaling dito sa ospital. Nagsabi si Inay na hindi na kailangan, dahil masyadong mahal ang bayad sa kuwarto na pinili nito, pero masyadong makulit si Craig. Iniisip tuloy nila na kami na. Hindi ko naman masabi sa kanila ang katotohanan, dahil ma-i-stress lang sila kapag naisip nila na baon ako ngayon sa utang kay Craig. "Maaga pa po ako bukas sa trabaho, kaya kailangan ko na pong umuwi. Gusto ko pa man din sanang sumama sa pagbabantay sa inyo." Ala-una na ng madaling araw nang magpasya siyang magpaalam. "Maraming salamat, hijo. Pasensya ka na din sa abala, huh.""Hindi po iyon abala sa akin," sagot naman ni Craig. "Magpagaling po kayo. Babalik po ako bukas, pagkatapos ng trabaho ko." Hinatid ko na siya hanggang sa labas ng hospital. Tahimik akong naglalakad kasunod niya. Hinatid ko na din siya hanggang sa kaniyang sasakyan, dahil tingin ko ay iyon ang gusto niya. Hindi pa muna siya agad pumasok sa s
"Five thousand para sa one month deposit at one month advance. At isang libong piso na advance sa kuryente at tubig."Kumuha ako ng maayos na bahay para kina Inay at Amang. Hindi ko maatim na maayos ang tulugan ko kada gabi kina Ate Rose, samantalang ang mga magulang ko ay sa puwesto na lang natutulog. Hindi ko pa nasabi ang bagay na 'to. Tiyak na hindi sila papayag, kaya minarapat ko na lang na huwag sabihin. At saka maganda iyong bagong upahan na nakuha ko. Puwede ding magtindahan, dahil daanan ng mga tao. Kung malakas ang benta, puwede na nilang iwanan iyong puwesto. Hindi na nila kailangang magbenta ng mga kung ano-anong gamot diyan, lalo na iyong pamparegla. Bumili ako ng mga unan at maayos na higaan bago ako nagpunta sa puwesto. "Anne! Kaya nga kami nagpasya ng Amang mo na huwag na munang umupa, para makaipon at makapag-aral ka," giit ni Inay pagkatapos kong sabihin ang totoo sa kanila. "Maganda po doon, Inay. Puwede po kayong magtindahan. Puwede din po kayong magtinda-tind
"Matamlay ka yata ngayon, Anne?" tanong ni Ate Rose. Mula kahapon ay matamlay na talaga ako. Nagsimula lang 'to dahil sa nangyari sa amin ni Craig. Isang araw ko ng hindi nakikita si Craig. Pangalawang araw na ngayon. Bumaba ako kahapon, pero sa unit lang ni Marko. Hindi ko nga din maintindihan kung bakit habang naglilinis ako sa unit ni Marko, umaasa ako na dadating si Craig. Hindi ko siya pinuntahan sa unit niya. Tingin ko, iyon ang makakabuti. Tingin ko din ayaw niya akong makita. Napuyat ako kagabi sa kaiisip ng dahilan kung bakit ayaw niyang pumayag na itigil namin iyong ginagawa namin. Hindi kaya dahil pa din ito sa orasyon?"Nag-away ba kayo ni Craig?" bigla na lang tanong ni Kuya Ethan na kinapatda ko. Paano niya nasabi ang bagay na iyon? Natawa si Kuya Ethan. "Kahapon, sa meeting, matamlay din siya, e. Parang may sariling mundo. Nasa meeting pero nakatulala na para bang ang lalim ng iniisip."Natawa na din si Ate Rose. "Nag-away kayo?"Ha? Bakit ba naiisip nila na nag
Tulog na si Craig. Nakanganga pa siya pero guwapo pa din siya. Nakayakap ang kaniyang isang braso sa akin habang ang mukha ay nakasiksik sa aking leeg. Napabuntong hininga ako at napaisip kung bakit ba ako narito ngayon, nakahiga sa kaniyang tabi. Ang sabi niya ay gusto niyang matulog ng mahimbing at gusto niya ng katabi. Kawawa naman siya. Lagi na lang puyat at naaapektuhan na ang kaniyang buhay. Kasalanan ko 'to kaya babantayan ko na lang siya habang tulog. Ang daming mga bagay na naglalaro sa aking isipan sa mga sandaling ito. At nang mapagod ako, hindi ko namamalayan na nakatulog na pala ako. Alas-dose y media na ng tanghali nang magising ako. Wala na si Craig sa tabi ko. Nakaupo siya sa sofa at hawak ang kaniyang cellphone. Mukhang kagigising-gising lang niya. Binaba niya ang cellphone niya nang makita niyang gising na ako. Bumangon na din ako. Inayos ko ang bedsheet at unan bago ko hinanap iyong vacuum. Sumunod naman siya sa akin. Nakasuksok ang kamay sa bulsa ng kaniyang
"Ano'ng nangyari kagabi?"Nagulat pa ako kay Ate Rose dahil bigla-bigla na lang siyang nagsalita sa likuran ko. Maaga akong bumangon. Hindi ko nga alam kung nakatulog ba ako. Basta ang alam ko lang ay nakatulala ako sa magdamag. Pakiramdam ko din ay sobrang gaan ko at para akong lumulutang sa alapaap. "Magkuwento ka dali!"Gising na din ang Mama niya. Dumiretso ito sa coffee maker upang magtimpla ng kape. "Ayun, Ate. Tinulungan ko siya sa groceries niya...""Tapos?" "Um-order siya ng pagkain para sa aming dalawa. Tinulungan ko siyang mag-ayos ng mesa, nagkabanggaan kami, hawak niya iyong isang pitsel ng tubig. Tapos nabasa ako. Pinahiram niya ako ng bathrobe niya."Patiling tumawa si Ate Rose. "Nagpunta si Craig doon?" Paano niya nalaman? Marahan akong tumango. "Galing iyon dito kagabi. Nagtanong nang hindi ka makita. Sabi ko, nasa unit ka nga ni Marko."Tawa siya nang tawa. Lakas ng trip ni Ate Rose. Mukhang maganda ang gising niya, dahil kahit hindi naman nakakatawa ay tinataw
"Mag-toothbrush muna ako." Hindi ko na hiningi ang kaniyang permiso. Basta na lang akong pumasok sa kaniyang kuwarto. Dire-diretso akong naglakad hanggang sa banyo. Nandito pa din iyong toothbrush na ginamit ko. Tumabi naman sa akin si Craig. Nag-toothbrush din siya. Pasimple akong nakatingin sa kaniya habang nag-to-toothbrush siya. Napatingin din siya sa akin. Kinindatan niya ako kaya napairap ako. Natatawa naman siyang dumura bago nagmumug. Para hindi kahiya-hiya sa super bango niyang hininga, gumamit ako ng mouth wash niya. "Nalimutan ko pala iyong damit ko sa unit ni Marko," bulong ko. "Tsk! Kung saan-saan mo iniiwan ang damit mo.""Nagmamadali kasi ako, e. Bukas ko na lang kukunin."Naupo ako sa gilid ng kaniyang kama. Nanatili naman siyang nakatayo sa labas ng banyo habang seryosong nakatingin sa akin. "Ano pa'ng ginagawa mo?" masungit kong tanong. Gabi na. Inaantok na ako. "Simulan na natin para matapos na at makauwi na ako!""Nagmamadali? Excited ka ng matikman ulit an
Ilang beses kong tiningnan ang aking sarili sa salamin. Ang ganda ko pala kapag naayusan. Ngumiti ako. Tipid na ngiti hanggang sa unti-unting lumapad. Nang magbukas ang pintuan ng elevator ay napatda pa ako. Kanina pa ako kinakabahan talaga. Kaya mo 'to, Anne. Bihira lang ang ganitong pagkakataon kaya sulitin mo na. Manginig-nginig pa ang aking mga daliri nang pindutin ko ang doorbell. Nagbilang ako hanggang sampu, bago ko ulit pinindot ang doorbell. Ilang sandali pa ay nagbukas na ito. Nanghihina ang katawan ko sa kaguwapuhan niya. Ano ba iyan? "Hi," bati ni Marko. Laglag na ang puso ko. Tumikhim ako. Manginig-nginig pa ang labi ko nang sumagot ng Hello sa kaniya. Pinapasok na niya ako. Pinagmamasdan ko ang kabuuan ng kaniyang sala. Maaliwalas at halos walang pinagkaiba sa condo ni Craig. Sinundan ko siya hanggang sa kusina. Nakalapag sa sahig ang ilang karton ng groceries. Lumapit ako dito at inumpisahang buksan ang mga karton. Tiningnan ko iyong mga cabinet niya pati na
"Dito na muna ako," sabi ko kay Marko. Nagtaas siya ng kilay sa akin. Napatingin siya sa labas. "Magsisimba ka?" mapagduda niyang tanong. Sumabay lang ako sa kaniya dito sa Quiapo. Hindi ko kasi nakita ng ilang araw si Anne kaya pakiramdam ko kulang ako. Tsk! Ano ba 'tong pinagsasabi ko? Ayaw ko namang mambabae at baka mabugbog lang ako ng Mommy ko. "Oo. Ipagdadasal ko na mahanap mo na siya," sagot ko naman. Bumaba na ako ng sasakyan. Hinanap ko iyong sinabi ni Rose na tindahan ng mga dahon at mga kandila. Nahanap ko na. Tanaw ko na si Anne pero hindi muna ako lumapit sa kaniya. Namili muna ako ng kung ano-ano sa mga katabi niyang tindahan. Kunwari, nagkataon lang na napadpad ako dito. Aalis din naman ako agad. Gusto ko lang siyang makita. Siguro naman pagkatapos ay payapa na ang magiging tulog ko mamayang gabi. Pero hindi ako agad nakaalis na gaya ng plano. I offered to help her and I enjoyed it. Kahit na mainit at pawisan na ako sa pagtitinda, nag-enjoy ako. Masaya din ako n