Share

Chapter 4.1

Scarlet's POV

"Ma, ako na po r'yan!"

Mabilis akong dumalo kay mama nang makitang kinukuha niya ang mga sinampay na damit. Kailangan ko kasing magpakabait ngayon!

"Sige! Ingatan mo ang mga puti kun'di ipalalaba ko ulit sa 'yo ang mga 'yan," pambabanta niya na ikinatawa ko.

"Ma, galit ka na naman? Bati na tayo, please?" Niyakap ko siya. Nagbabakasaling kaya nitong tunawin ang inis niya sa akin.

Kaso mabilis niya akong itinulak palayo na parang diring-diri siya. "Kung sa tingin mo madadaan mo ako sa paninipsip mong 'yan. Naku, ibahin mo ako, Scarlet! 'Di mo ako mauuto." Nagmartsa ito sa loob ng bahay at iniwan akong napanguso.

Napatingin ako sa mga damit na nakasampay at padabog na kinuha ang mga iyon. "Kainis!" paulit-ulit na singhal ko.

"What's the matter?"

Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ang boses ni Kyrous. Hinarap ko siya at mas humaba ang nguso nang makita ang mukha niya. "Galit pa rin si mama sa akin e. Baka hindi siya pumayag na sumama ako sa inyo sa Maynila," madramang saad ko bago nagpatuloy sa pagkuha ng damit.

"Hmm." Iyon lang ang narinig ko sa kanya kaya muli ko siyang hinarap.

"Hindi mo ba ako dadamayan sa lungkot ko?"

"You should be a good girl so that your relationship with your mother will be better," he suggested.

I only sigh and shrugged my shoulder before I walked inside our house to put the clothes that I collected.

"Do you really wanna go to Manila with your sister?" Kyrous asked while watching me.

"Oo naman... kasi nar'on ka rin," pahina nang pahina ang boses ko at halos bumulong na ako sa huling sinabi.

"Kung gusto mo talaga, gagawa ka ng paraan para makasama ka. Ang sabi ng ate mo, hindi ka naman daw gan'yan kakulit dati. Kaya alam kong kaya mong magpakabait." Tinapik niya ang balikat ko. "Kung gusto mo talaga, kakayanin mo, Scarlet."

"Ma, ito na po ang mga damit mo," bungad ko nang pagbuksan ako ni Mama ng pinto. Ipinakita ko ang plantsado at nakatuping mga damit niyang nasa braso ko.

Umangat ang kilay nito at kinuha ang mga damit niya mula sa akin. "Anong kailangan mo at nagbabait-baitan ka ngayon?" masungit na tanong niya bago siya pumasok sa kwarto.

"Gusto ko pong sumama sa inyo sa Manila. Kahit hanggang bakasyon lang, ma."

"At bakit gusto mo?" pang-uusisa niya.

"Kasi naro'n kayo ni ate! Nami-miss ko kayo tuwing wala kayo rito. Sampung buwan akong nagtiis mag-isa rito, ma. Tapos dalawang linggo ko lang kayo makakasama?" puno ng pagtatampong paliwanag ko.

"Kapag tumino ka hanggang sa araw ng pag-alis namin, sasama ka na."

Nanlaki ang mga mata ko at napatili dahil sa sobrang saya. "Sige po, ma! Magpapakabait ako," pangako ko habang malawak ang ngiti.

"Ate!" tili ko at nagtatatalon sa saya nang maabutan si Ate Serenity nang makababa ako.

"Anong nangyari, Scarlet? Binalik na ba ni mama ang phone mo?" tanong niya habang may ngiti rin sa labi.

"Hindi pa." Hinawakan ko ang magkabilang braso niya. "Pero, pumayag siya na sasama ako sa inyo sa Manila!" Muli akong napatili.

Humalakhak si Ate. "Talaga? Mukhang epektibo ang pagpapakabait mo, ah! Mabuti 'yan, Scarlet."

Napanguso ako nang maalala ang pabor ni mama. "Oh, bakit ka malungkot?" nag-aalalang tanong ni ate at hinaplos ang pisngi ko.

"Kailangan ko raw magpakabait hanggang sa pag-alis niyo. Kung hindi, maiiwan ako rito."

"Magpakabait ka na kasi, Scarlet. Subukan mong magbago. Para sa 'yo rin naman 'yan," pangungumbinsi ni ate.

Napailing naman ako. "Hindi ko alam kung kaya ko pa, ate."

Gabi na pero nakatitig lang ako sa TV. Pinipilit na manood kahit 'di ko naman naiintindihan ang mga nangyayari. Hindi na kasi ako masyadong nanonood sa TV simula nang umalis sinaama. Mas gusto kong manood sa You Tube. Pero dahil wala akong kahit anong gadget ngayon, mas lalo akong mababaliw kung hindi ako manonood sa TV dito sa living room.

Nang mapanood ang grupo ng mga babaeng sumasayaw ay bigla kong naalala ang plano namin ng mga kaibigan ko.

"Shit!" Napatakbo ako sa kalendaryong nasa dingding at sinuri ang mga numero rito. "Ano na ba ngayon?" kunot-noong tanong ko.

"Ate!" Mabilis kong tinungo ang kwarto nina ate at Kyrous. Walang pasabing binuksan ko iyon dahil hindi naman naka-lock. Naabutan ko silang naghahalikan. Si ate ay nakahiga sa kama samantalang si Kyrous ay nakaibabaw kay ate.

Napalunok ako nang itulak ni ate si Kyrous at sabay silang napatingin sa akin. "S-sorry. Ituloy niyo lang, ate! Kunwari hindi niyo ako nakita," mabilis na sagot ko, kasimbilis ng pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa hindi inaasahang makita.

Kinabuksan ay tanghali na ako nagising. Hindi kasi ako pinatulog ng paghahalikan nina Kyrous. Paulit-ulit iyong tumatakbo sa isip ko kagabi kahit nakapikit na ako para matulog.

"Scarlet, mabuti naman at nagising ka pa!" bungad ni mama sa akin ang makarating ako sa hapag kainan.

"Wala naman kasing dahilan para agahan ko ang pag-gising, ma. Wala pa rin akong mapagkakaabalahan," mapait na sagot ko at tinungo ang refrigerator nang makitang walang pagkain sa lamesa.

"'Yan ang napapala mo sa ka-demonyitahan mo."

Umirap lang ako sa kawalan at kumuha ng mansanas para gawing umagahan. "'Wag mong sabihing iyan lang ang kakainin mo, Scarlet."

Naririnding tumango na lang ako at hinugasan ang pagkain. Baka kapag nagsalita pa si mama ay hindi ko na mapigilang pagtaasan siya ng boses.

"Bahala ka sa buhay mo!"

Muli ay umirap ako at nagtungo sa living room. Binuksan ko ang TV at humiga sa couch bago kumain habang nanonood ng cartoon.

"Kay aga aga, nagsasayang ka ng kuryente, Scarlet!" bulyaw sa akin ni mama.

"Sponge Bob square pants!" sinabayan ko ang pinapanood. "Sponge Bob! Square pants! Tururu rut turut turut—ma!" napahiyaw ako sa inis nang patayin ni mama ang TV.

"Nagluto ka ng noodles mo roon at kumain ka muna."

"Kumakain na nga ako e!" giit ko.

"E 'di kainin mo 'yan at hindi ka na sasama sa amin sa Maynila." Tinalikuran niya ako pero agad ko siyang hinabol.

"Ma, magluluto na ako at kakainin!" naiinis na sagot ko at tinungo ang kusina.

Inis kong tinapon ang hindi pa nakakalahating mansanas at nagdadabog na kumuha ng noodles at paglutuan.

"Scarlet, baka may masira ka. Ingatan mo naman," bigla kong narinig ang boses ni Ate Serenity. Hinarap ko siya at nakitang kakagising lang nito. Napuyat ba sila ni Kyrous kagabi?

Ipiniling ko ang ulo at umirap sa kanya. "Bakit ngayon ka lang kasi nagising, ate. E 'di sana may pagkain na rito," dahilan ko.

Lumapit siya sa akin at tinali ang mahaba at magulong buhok. "Ako na r'yan. Hintayin mo na lang ito na matapos," mahinahonf sagot niya at sinimulan ang pagluluto.

Tumalikod ako at akmang aalis na nang maalala ang dapat na itatanong kagabi. "Anong date na pala ngayon?"

"Ten na yata."

Natigilan ako sa sagot ni ate at hinarap siya. "Seryoso?"

"Oo, ten na ngayon. Bakit?"

Nataranta ako at agad na nilapitan siya. "Ate, kailangan naming mag-film ngayon! Pero hindi pa ako nakapag-practice!"

Inilagay niya ang noodles sa lutuan at tinakpan iyon bago niya ako hinarap na nakakunot ang noo. "Anong practice? Para saan?"

"'Yung sayaw, ate! 'Di ba alam mo 'yon?!"

"Ah 'yong pino-post niyo sa Face Book?"

Mabilis akong tumango. "Oo, 'te. Pahiram na ng phone mo. Kailangan kong i-text sina Kate."

"Kunin mo sa kwarto ko. Naroon si Kyrous, ipakuha mo na lang."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status